Pagpaslang kay Percy Lapid, ginunita ni Pangilinan: ‘HUSTISYA, MAILAP’

Ni Ernie Reyes

Ginunita ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang brutal na pagpaslang kay broadcaster Percy Lapid kasabay pagbatikos sa makupad na hustisya na hanggang ngayon, tatlong taon ang nakalipas, wala pang nakakamit na katarungan ang pamilya.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na isang malaking dagok sa malayang pamamahayag sa bansa ang pagkawala  ni Ka Percy na bumabatikos sa korapsiyon at maling pamamahala sa administrasyong Duterte.

“Ginugunita natin ngayong araw ang marahas na pagpaslang sa isang batikan at matapang na broadcaster na si ka Percy Lapid.  Ang kanyang pagkawala ay isang malaking dagok sa malayang pamamahayag sa ating bansa,” ayon kay Pangilinan.

Sinabi ni Pangilinan na ang pagpaslang kay Ka Percy ay lantarang pagkitil ng mga salarin ang tinig ng isang malaya, makabuluhan, at makatotohanang komentaryo, lalo na sa pagpapanagot sa mga makapangyarihang nasa pamahalaan.

“Binibigyang-pugay natin ang kanyang alaala, pati na rin ang iba pang mga bayani ng katotohanan,” ayon sa senador.

Ayon kay Pangilinan, dapat pahalagahan ang ginagampanang tungkulin ng mga mamahayag na ipahayag ang katotohanan upang panagutin ang mga may sala lalong-lalo na ang mga nasa pamunuan ng pamahalaan. 

“Buong-puso nating suportahan at ipagtanggol ang kalayaan sa pamamahayag, at tiyakin na walang tinig kailanman ang patatahimikin ng takot o karahasan,” aniya.

Aniya, habang nagiging mailap ang hustisya sa pagtugis sa mga mastermind sa pagpaslang kay Ka Percy, patuloy nating isulong ang kanyang tinig: 

“Harapin ang mga katotohanan, labanan ang katiwalian sa ating lipunan, at panagutin ang mga maysala sa bayan,” aniya.

“Tandaan ang winika ni Ka Percy, “ang pagsasabi ng katotohanan ay hindi katapangan. ito ay tungkulin,” dagdag niya. Ernie Reyes