Kaunlaran ng kanayunan, target ng minorya sa 2026 bicam conference – Cayetano

Ni Ernie Reyes

Target ng Senate Minority bloc, sa pangunguna ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, na itulak ang pagpapaunlad sa mga probinsya at kanayunan bilang pangunahing reporma sa 2026 national budget sa gaganaping bicameral conference committee sa katapusan ng linggo.

Ayon kay Cayetano, panahon nang ayusin ang tila Metro Manila-centric na pambansang budget, habang maraming rehiyon ang taon-taong naghihintay ng maayos na imprastraktura at programa para sa pag-unlad.

“This is a much better budget than last year… but it’s still not a game-changer budget,” pahayag niya sa plenary session noong December 4.

Ipinasa ng Senado sa second reading noon ding Huwebes ang Senate version ng 2026 GAB. Kapwa bumoto ng “no” sa panukala sina Cayetano at si Deputy Minority Leader Joel Villanueva.

Puna kasi ni Cayetano at ng Minorya, kulang ang pondo para sa rural development, mass transportation, at climate adaptability.

“Nag-a-agree tayo na dapat mag-decentralize… dapat train over cars, but the budget is not reflecting that,” aniya.

Railways na magdurugtong sa mga rehiyon

Sentro sa panukalang amendments ng Minorya ang muling pagsulong ng matagal nang naantalang railway projects sa labas ng Metro Manila, mga proyektong maaaring magbukas ng mas malawak na economic activity sa probinsya.

Muling hiniling ni Cayetano na pondohan ang Mindanao Railway.

“Hanggang kailan maghihintay ang ating mga kababayan sa Mindanao bago ma-implement ang Mindanao Railway?” aniya.

Dagdag niya, oras na simulan ang konstruksyon nito ay tiyak na makakahikayat ito ng iba’t ibang investments sa lugar.

“If we start building the railway, I’m 100 percent sure y’ung ating mga mall owners, y’ung mga land developers will start their development kung saan yung mga istasyon ng tren,” aniya.

Hinimok din niya ang Kongreso na ikonsidera ang Subic–Clark Railway sa parating na bicam, na makapagpapa-maximize aniya sa synergy ng Clark Airport at Subic Port.

“You have a beautiful international airport in Clark. You have a deep port in Subic… even y’ung synergy na inimagine ng mga Amerikano… can be fully utilized if we have that,” sabi niya.

Giit niya, malaki ang potensyal ng Pampanga, Bulacan, Clark, at Nueva Ecija, ngunit “ang problema lang infrastructure.”

Tinukoy rin niyang ang dalawang railways ay “as important as others like the [Metro Manila] Subway.”

I-diretso sa LGU ang pondo para bawas red tape

Binuksan din ni Cayetano ang isyu sa Local Government Support Fund (LGSF), na tinaas ng Senado mula P16B sa NEP tungo sa P38B.

Pero giit niya, idiretso na lang ang pondo sa mga lokal na pamahalaang tinamaan ng kalamidad kaysa idaan pa sa LGSF,

“Ang sistema sa LGSF, you apply, they send you a form, you put the program of work, then Malacañang decides, then they send the money,” paliwanag niya. “We’re not only adding red tape here, we’re also injecting politics.”

May mga LGU aniyang nakatanggap ng pondo sa loob ng isang linggo, habang ang iba ay inabot ng tatlong buwan. Kaya’t iminungkahi niyang ibigay na direkta sa mga lugar na matindi ang pinsala.

“They would rather na ideretso na lang sa kanila,” aniya. “Why don’t we give it straight to them para less bureaucracy?”

“The shortest distance between two points is a straight line,” dagdag pa niya. “So shouldn’t we consider giving it straight to the areas na in the last two years ay grabe ang tama?”

Tinukoy rin ng Minority ang kakulangan sa pondo para sa primary healthcare, anti-stunting programs, tourism, at PhilHealth.

Inaasahang magpupulong ang bicameral conference committee mula December 12 hanggang 14 upang pagtugmain ang magkaibang bersyon ng Senado at Kamara ng 2026 GAB.