Aquino sa publiko: P1.38-T education budget, dapat bantayan baka mabawasan
Ni Ernie Reyes
Nanawagan si Senator Bam Aquino ng mas mahigpit na pagbabantay para matiyak na mananatiling buo ang P1.38-trilyong pondo para sa edukasyon sa panukalang 2026 national budget sa panahon ng bicameral conference committee.
Nagpupulong ang mga piling miyembro ng Senado at Kamara sa bicam para pag-isahin ang mga probisyong magkaiba sa kani-kanilang bersyon ng budget.
Sa mga nakaraang taon, dito nangyari ang pagdaragdag o pagbabawas sa pondo, insertions, at pagsingit ng mga bagong proyekto at special provisions.
Ngunit dahil ila-livestream ang bicam proceedings, sinabi ni Aquino na may pagkakataon na ngayon ang publiko na masaksihan ang deliberasyon at mabantayan nang mabuti ang anumang pagbabagong maaaring makaapekto sa budget sa edukasyon — ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.

“This is really an education budget. Iyon ang panawagan natin. Bantayan natin. I’m expecting that ang sinabi nga dito ay ila-livestream iyong laman ng bicam ay matutuloy. Incumbent iyan sa ating lahat na bantayan,” wika ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
“Hindi lang iyong media, hindi lang iyong mga pulitiko, iyong taumbayan, bantayan na wala nang slash sa mga budget item na mapupunta sa tao at mapupunta sa tama. Huwag nang dagdagan iyong budget item na alanganin at posibleng magamit lang sa corruption,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Aquino na napakahalaga na tuloy-tuloy ang pagbabantay ng publiko upang maprotektahan ang education budget hanggang sa mapirmahan ito ng Pangulo at maging batas.
“Kung nais nating ng mabuting pamamahala, bantayan natin yung bicam. Kapag may move or may motion na ma-slash ang education budget, umalma kaagad tayo at ipahiwatig natin na ‘di katanggap-tanggap na babawasan ang budget sa edukasyon,” wika niya.
Ayon kay Aquino, naglaan ang Senado ng mahigit P65 bilyon para sa pagpapatayo ng humigit-kumulang 27,000 hanggang 30,000 silid-aralan sa 2026.
Para sa nutrisyon ng mga estudyante, tinaasan ng Senado ang pondo para sa school-based feeding program sa P27 bilyon.
Idinagdag niya na naglaan ang Senado ng kabuuang P37 bilyon para sa pagpapatupad ng Republic Act 10931 o ang Free College Law, na magbibigay-benepisyo sa 5.7 milyong estudyante sa state universities and colleges, local universities and colleges, at private higher education institutions (PHEIs).
Bukod sa libreng tuition, naglaan din ang Senado ng P30 bilyon para sa allowances, na makikinabang ang 1.5 milyong mahihirap ngunit karapat-dapat na estudyante mula sa public o private universities, kabilang ang 490,000 learners mula sa Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps).
“Over 27 million students po diyan sa K-12 at the tertiary ang mabibigyan po ng tulong,” sabi ni Aquino, principal sponsor ng Free College Law.
