P6.793-T badyet sa 2026, aprub sa Senado; P1.4-T sa edukasyon, kasama – Gatchalian
Ni Ernie Reyes
Aprubado na ng Senado ang panukalang 2026 General Appropriations Act na nagkakahalagang P6.793 trilyon na isang national budget na nakatuon sa tao at nagtataguyod ng transparency at accountability ayon kay Finance Committee Chairperson Senador Win Gatchalian
‘Education Budget’ ang tawag sa panukalang pondo para sa susunod na taon, dahil sa sektor ng edukasyon naglaan ng pinakamalaking bahagi ng pondo o P1.37 trilyon, na tinatayang 4.5% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.

Binanggit ni Gatchalian ang ilan sa mga highlights ng panukalang pondo: tampok dito ang pagpapalakas ng programa ng gobyerno na Zero Balance Billing (ZBB) para sa mga ospital na pinapatakbo ng DOH. “Sa sektor ng kalusugan, malinaw ang layunin: mas maraming medikal na serbisyong libre ang ibibigay sa bawat Pilipino, at mabawasan ang gastos ng bawat pasyente,” sabi ng senador.
Binigyang-diin niya ang pagpapalakas ng disaster recovery sa mga komunidad. Malaki ang idinagdag sa National Disaster Risk Reduction Management Fund o P15.33 bilyon upang mapabilis ang recovery efforts, pagbibigay ng mga tirahan o kanlungan sa mga biktima, at pagpapanatili ng mga pangunahing serbisyo sa mga lugar na madalas tamaan ng mga kalamidad.
Kasunod ng mga kontrobersiya kaugnay ng ‘ghost’ at substandard na mga proyekto sa flood control, binawasan din ng Senado ang pondo ng DPWH ng P54.2 bilyon, batay sa recalibrated costing kasunod ng direktiba ng Pangulo na pababain ang halaga ng mga materyales sa konstruksiyon.
Ang mga repormang ipapatupad sa proseso ng pagbabadyet ay malakas na pananggalang laban sa korapsyon at pagwaldas ng pera ng bayan, ayon kay Gatchalian. Kaya lahat, aniya, ng mga proyektong pang-imprastraktura ay dapat may station numbers na ngayon at eksaktong coordinates bilang dagdag na proteksyon laban sa mga ‘ghost’ at maanomalyang mga proyekto.
Kasama sa inaprubahang badyet ang makasaysayang P1.37 Trilyong Pondo sa Edukasyon
sa ikatlo at pinal na pagbasa, ang kauna-unahang nakatutugon sa pamantayan ng United Nations para sa paggasta sa edukasyon.
Ayon kay Gatchalian, naglaan ang Senado ng P1.37 trilyon sa sektor ng edukasyon, katumbas ng 4.5% ng Gross Domestic Product. Alinsunod ito sa 4 hanggang 6% na rekomendasyon ng UNESCO pagdating sa pagpondo ng edukasyon.
“Titiyakin natin na mabibigyang prayoridad ang mga mahahalagang programa upang mapalawak ang access sa edukasyon at mapatatag ang pundasyon ng mga kabataan,” ani Gatchalian.
Binigyang diin ng senador ang mga pagbabagong ginawa ng Senado upang tumaas pa lalo ang pondo ng edukasyon. Nagdagdag, halimbawa, ang Senado ng P19.2 bilyon sa halagang nakasaad sa General Appropriations Bill (GAB) o House Bill No. 4058 upang makapagpatayo ng mahigit 24,000 na mga bagong silid-aralan.
Makakatanggap naman ang Department of Education ng P28.6 bilyon para sa School-Based Feeding Program upang masaklaw ang 200 na araw ng pasukan. Inaasahang 4.8 milyong mga mag-aaral ang makikinabang sa naturang programa. Magiging saklaw na ng feeding program ang lahat ng mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1, habang nagpapatuloy ang suporta para sa mga ‘wasted’ at ‘severely wasted’ na mga mag-aaral mula Grade 2 hanggang Grade 6.
Maglalaan naman para sa mga State Universities and Colleges (SUCs) ng P139.03 bilyon, mas mataas ng P7.35 bilyon sa halagang nakalaan sa GAB, upang palawigin ang kanilang kakayahang tumanggap ng mas maraming mag-aaral. Matatandaang pinuna ni Gatchalian na may 168,000 na mga kwalipikadong mag-aaral ang hindi nakapag-enroll sa mga SUCs dahil kulang na ang mga kapasidad nito. Binigyang diin din ni Gatchalian na P1 bilyon ang inilaan sa ilalim ng Local Government Support Fund upang ma-convert ang mahigit P3,000 daycare centers sa mga fourth at fifth class municipalities bilang Child Development Centers (CDCs). Saklaw din ng naturang pondo ang paglikha ng 150 plantilla positions ng mga Child Development Workers.
