Gobyerno di dapat manghina laban sa korapsiyon – Lacson
Ni Ernie Reyes
Hindi dapat manghina ang gobyerno sa pagsugpo sa korapsyon sa likod ng mga maanomalya proyekto sa imprastraktura — kabilang ang sa pamamagitan ng panukalang Independent People’s Commission (IPC) na maaaring kapalit ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), giit ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Lunes.
Ani Lacson, kahit limitado ang kapangyarihan ng ICI, marami pa rin itong nailalabas na mahahalagang impormasyon na nakatutulong sa Ombudsman at Department of Justice sa pagbuo ng matitibay na kaso laban sa mga sangkot.

“I wonder why Malacanang’s enthusiasm is lost all of a sudden. I still believe that the ICI is serving its purpose in flushing out useful information, to say the least, for the Ombudsman and DOJ to proceed with their preliminary investigation and come up with solid cases against those responsible in the plunder of public funds,” ani Lacson.
“This, even when Congress has taken positive steps to follow the lead of the President in getting to the bottom of the unprecedented infrastructure anomalies never unearthed before by any of the past administrations,” dagdag niya.
Tinukoy niya ang mga ulat kung saang binanggit ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na maaaring dumoble ang trabaho ng IPC sa ginagawa na ng Ombudsman at DOJ.
Sinusuportahan ni Lacson ang mabilis na pag-apruba ng Senate Bill 1512 na lumilikha sa IPC, na magkakaroon sana ng mga kapangyarihang wala sa ICI — kabilang ang witness immunity at protection na mahalaga upang hindi mabiktima ang whistleblowers ng mga counter-charge at harassment suits.
“Kailangang kailangan ng ICI ng more powers at mas malaking authority. Pati immunity na hinihingi nila. Kaya refer lang sila ng refer, hindi nagfa-file,” aniya sa panayam sa DWAN nitong nakaraang weekend.
Binanggit din niya na si ICI head Andres Reyes Jr. mismo ang naghayag ng pangamba tungkol sa posibleng pagsasampa ng counter-charges laban sa mga testigo.
Sinabi rin ni Lacson na bagama’t may subpoena powers ang ICI, wala itong kapangyarihang mag-contempt sa mga tumatangging sumunod — gaya ni Davao City Rep. Paolo Duterte, na tinanggihan ang imbitasyon ng ICI sa dahilang wala raw itong hurisdiksiyon sa kanya.
“Kung maipasa sa House and Senate at kung magkasundo sa bicam at ma-certify sana ni Pangulong Marcos na urgent… Palagay ko dapat sumulat si Senate President and Speaker para i-certify as urgent,” ani Lacson.
