‘First time in 10 years,’ Hontiveros nag-yes sa 2026 national budget; bicam panel buo na

Ni Ernie Reyes

Sa unang pagkakataon sa loob ng sampung taon sa Senado, ngayon lamang naulit ang pagpabor ni Senador Risa Hontiveros sa Senate version ng 2026 national budget na itinuturing nitong “kritikal at napapanahon” sa paglalaan ng pondo sa ilang mahahalagang sektor.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na tumaas ang pondo sa mga programa para sa estudyante, overseas Filipino workers, kababaihan at kabataan saka ipinangakong isusulong ang dagdag na pondo sa kalusugan at proteksiyon ng Sierra Madre Mountain Range sa Luzon.

Kasabay nito, inihayag naman ng Senado ang miyembro ng Bicameral Conference Committee na susuri sa magkakaibang bersiyon ng badyet sa pangunguna ni Senador Sherwin Gatchalian bilang chairman ng Senate committee on finance.

Ayon kay Hontiveros matapos bomoto nang pabor sa badyet na lubha siyang natutuwa sa ibinibigay na suporta ng mambabatas sa pagdadagdag ng pondo sa edukasyon na umaabot sa P1.4 trilyon na mahigpit na isinulong ni Senador Bam Aquino.

Kabilang din ang karagdagang pondo sa OFW assistance, at kaligtasan ng kababaihan at kabataan laban sa pang-aabuso sa aktuwal at online.

“Nagpapasalamat tayo sa mas malaking pondo sa 2026 budget para sa mga programang kailangan ng napakaraming estudyante, OFW, kababaihan at kabataan. I am happy that the Senate has not forgotten the needs of our vulnerable kababayans, especially the Filipino youth who represent our collective future,” ani Hontiveros.

Aniya, tumaas ng P3.28 bilyon ang pondo sa   free higher education program ng state universities and colleges (SUCs), dahil inaprubahan ng Senado ang P7.35 billion pagtaas sa pondo ng  “to allow more young Filipinos to enroll in higher education, amid a serious learning crisis.” 

Inaprubahan din ng Senado ang pagtataas ng pondo sa ilang pangunahing pasilidad ng pamahalaan sa kalusugan tulad ng pondo sa   liver transplant program sa Philippine General Hospital, cochlear implant and brain surgery programs ng Quirino Medical Center, medical equipment sa National Center for Geriatric Health – Jose Reyes Memorial Medical Center,  at pagtatayo ng Naujan Community Hospital sa Oriental Mindoro.

Pinalawak din ng Senado ang panukalang pagtatayo ng help desk sa   Department of Migrant Workers (DMW), pagtataas ng pondo ng National Coordination Center Against Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Child Sexual Abuse or Exploitation Material (NCC- OSAEC CSAEM)  at dagdag badyet sa Pagpapalakas ng “pre-audit” program ng  Commission on Audit laban sa korapsiyon at isang  special provisions sa PUV Modernization Program of the Department of Transportation (DOTr.

“Tuloy ang pagsusulong natin na madagdagan ang pondo para sa kalusugan at sa proteksyon ng kalikasan, ngayon at sa mga susunod na taon. Lahat ng tutugon sa pinakamalaking mga kailangan ng bansa – lalo na pagdating sa kalusugan, edukasyon at kalikasan ay dapat sapat na pondohan ng pamahalaan,” ani Hontiveros.

Samantala, bukod kay Gatchalian, kabilang sa miyembro ng Bicam sina Senador Mark Villar, Pia Cayetano, JV Ejercito, Loren Legarda, Kiko Pangilinan, Erwin Tulfo at Camille Villar sa majority bloc saka sina Senador Bato Dela Rosa, Bong Go at Imee Marcos sa minorya.