Aquino: BLOCKCHAIN BUDGET BILL, APRUBADO SA SENADO

Ni Ernie Reyes

Inaprubahan ng Senado nitong Lunes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala ni Senador Bam Aquino na Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, o mas kilala bilang Blockchain the Budget Bill.

Nakapasa ang Senate Bill No. 1506 sa botong 17-0, at walang tumutol o nag-abstain.

Nangyari ang pag-apruba ilang araw matapos mapabilang ang CADENA–Blockchain the Budget Bill sa pinakabagong hanay ng mga prayoridad na panukalang batas ng Legislative-Executive Development Advisory Council.

Nauna nang sinabi ni Aquino na nakatulong ng malakas na panawagan ng publiko laban sa katiwalian at para sa pananagutan sa gitna ng malawakang iskandalo sa flood control para maipasa ang CADENA Act.

“May mga batas kasi na the time has come. Itong batas na ito, ‘yung nai-file nating bill about disclosure of public documents — iyong CADENA — and the putting of all of these documents on blockchain. Palagay ko rin kapag hindi nagkakagulo ngayon, hindi rin mapapasa iyan. Pero dahil ganito iyong tawag ng panahon, may chance iyang mapasa,” ani Aquino.

“If you look at this transparency measure, kung hindi nangyayari iyong nangyayari ngayon na investigation, palagay ko walang chance iyan. Pero dahil iyong taumbayan nakatutok dito ngayon na may mangyaring pagbabago sa mga sistema na nagdulot ng ganitong klaseng corruption, may tsansa iyang mapasa,” dagdag pa niya.

Inaatasan ng panukalang batas ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na i-upload at regular na panatilihin ang detalyadong mga dokumentong may kaugnayan sa budget — kabilang ang mga kontrata, gastos sa proyekto, bills of materials, at mga rekord ng procurement — sa isang Digital Budget Platform.

Dinisenyo ang sistema upang matiyak na ang lahat ng mga dokumento ay bukas sa publiko, hindi madaling manipulahin, nasusubaybayan, open-source, at madaling patunayan.

Maaaring maharap sa administratibo at kriminal na parusa ang mga opisyal ng pamahalaan na mabibigong magbunyag ng mga kinakailangang dokumento o mag-upload ng peke o mapanlinlang na impormasyon.

Inihain ni Negros Occidental 3rd District Rep. Javier Miguel Benitez ang House Bill No. 6761 bilang counterpart measure sa Kamara.

“Nananawagan tayo sa ating mga kasama sa Kamara na madaliin ang pagsasabatas ng CADENA Act bilang suporta sa sama-sama nating hangarin nating burahin ang katiwalian sa pamahalaan at matiyak na napupunta sa sa tama ang pondo mula sa buwis ng taumbayan,” ani Aquino.