Lacson nagbabala vs pagsisingit ng pork barrel sa 2026 national budget

Ni Ernie Reyes

Ngayo’y tinatalakay sa bicameral conference committee ang panukalang 2026 budget, kumpiyansa si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson na lalaban ng Senado hanggang dulo na matiyak na walang pork ang badyet.

Ani Lacson, na mahigpit na tagapagbantay ng kaban ng bayan, kabilang sa paninindigan ng Senado ang pagratipika ang enrolled o pinal na bersyon ng budget bill upang maiwasan ang posibilidad ng mga last-minute insertions.

“Dapat maging pork-free. Kasi sobra naman kung ang daming makakasuhan, meron pa ring mag-insist na gumawa ng kalokohan at pagkakitaan ng public fund. Sagad na sa buto ang kagahaman noon,” ani Lacson sa isang panayam sa isang himpilan ng radyo.

“Give-and-take ito, to a point importante ang budget mismo mapangalagaan natin ang integridad at maiwasan ang pansariling interest. Ok ang interest ng constituents pero pag umiral ang pansariling interest iisipin lang magkano ma-kickback lalo sa infra projects yan ang masama,” dagdag niya.

Sinabi ni Lacson na bukod sa mga repormang ipinasok ng Senado sa bersyon nito ng budget bill, naglatag sina Senate President Vicente Sotto III at Senate finance committee chairman Sherwin Gatchalian ng bagong ideya na i-ratipika ng mga senador hindi lamang ang bicameral conference committee report kundi ang mismong enrolled bill.

“Ang isa pang gagawin namin sa Senate halimbawa nakumpleto na at may bicam report, hindi yan ang aming ira-ratify. Ang ira-ratify namin mismo ang final version which is the enrolled bill. Naka-incorporate doon ang bicam report,” ani Lacson.

Dagdag ni Lacson, ilang mahahalagang reporma ang ipinasok ng Senado sa bersyon nito ng 2026 budget bill, kabilang ang:

* Pag-alis ng allocables sa budget bill. Tinukoy ni Lacson ang allocables bilang bagong pork barrel dahil pinapayagan nitong pondohan ang mga proyekto kahit hindi pa tukoy, na nagbubukas ng pinto sa iba pang abuso tulad ng dayaan sa bidding na pabor sa piling mga kontratista.

* Pag-alis ng Sustainable Infra Projects Alleviating Gaps (SIPAG), na marami umanong item ay kapareho ng — at posibleng doblado sa — mga proyekto sa ilalim ng Basic Infrastructure Programs (BIP) ng Department of Public Works and Highways.

* Pagbabawas sa unprogrammed appropriations upang matiyak na para lamang ito sa mga lehitimong gastusin tulad ng foreign-assisted projects at AFP modernization program.

Dagdag pa rito, aniya, tiniyak ng Senado ang transparency sa proseso ng badyet sa pamamagitan ng livestreaming mula sa mga committee hearing hanggang sa mga pulong ng bicameral conference committee.

“Ang magandang mangyayari ngayon magkaroon sila ng sense of responsibility bantayan ang in-introduce nilang amendment lalo sa infra at maski soft project. Yan ang magandang dulot na transparent and identifiable ang nag-introduce ng amendment,” ani Lacson.