Mag-asawang Harry at Mina Roque kasabwat sa malawakang land-grabbing sa Bagac, Bataan
Ni Buboi Patriarca
Isiniwalat ng United Filipino Against Crime and Corruption o UPACC ang umano’y malawakang land grabbing sa isang 421-ektaryang lupain sa Mariveles at Bagac, Bataan, na kinasasangkutan umano ni Atty. Harry Roque at ng kanyang asawa na si Mina Roque, kasama ang tatlong pribadong kumpanya.
Sa panayam sa programang Huntahan na pinangungunahan ni Ka Toto Ylagan, sinabi ni Pyra Lucas ng UPACC na personal nilang nakausap ang mga magsasakang apektado, at ayon sa mga dokumentong nakuha mula sa Register of Deeds ng Mariveles, nailipat umano ang mga titulo ng lupa sa mga kumpanyang konektado kay Roque nang walang Certificate of Transfer of Title mula sa Department of Agrarian Reform o DAR.
Ayon kay Lucas, ang mga lupaing ipinagkaloob sa mga magsasaka noong 1996 ay nailipat umano noong 2020, nang hindi nalalaman ng mga benepisyaryo, kahit patuloy silang nagbabayad ng amortisasyon sa Landbank. Kabilang sa mga kumpanyang nabanggit ang First Bataan Mariveles Holdings Corp. at Green Miles Realty Corp., na umano’y kumilos nang magkakaugnay.
Nanawagan si Lucas kay Senador Kiko Pangilinan na magsagawa ng imbestigasyon sa umano’y land grabbing na kinasasangkutan ng malalaking kumpanya at ilang ahensya ng gobyerno, kabilang ang DAR, Landbank at Register of Deeds, na umano’y nagkaroon ng sabwatan.
Samantala, sinabi naman ni Atty. Raymond Palad, abogado ni Ramil Madriaga, na ang kanyang kliyente ay may hawak umanong ebidensya ng delivery ng pera patungo umano kay Vice President Sara Duterte mula taong 2017 hanggang 2023. Ayon kay Palad, may mga litrato sa cellphone si Madriaga na isusumite para sa forensic investigation, na ngayon ay tinanggap na umano ng National Bureau of Investigation.
Si Madriaga, na kasalukuyang nakakulong sa kasong kidnapping, ay umano ring binisita ng Bise Presidente sa BJMP Annex 2 sa Taguig City, batay sa mga impormasyong nakuha ni Palad mula sa kanyang mga source. Iginiit ng abogado na ang lahat ng ito ay bahagi ng mas malawak na usapin ng pang-aabuso ng kapangyarihan, land grabbing, at falsification of documents.
Dagdag pa ni Palad, may reklamo na ring inihain laban kay Atty. Roque sa Office of the Ombudsman noong Enero 2025, kabilang ang mga kasong falsification of private documents at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad. Wala pang opisyal na pahayag ang mga inaakusahan kaugnay ng mga paratang.

