P500M sa RLE financial aid sa allied health sciences programs, aprub sa bicam – Aquino
Ni Ernie Reyes
Makatatanggap ng kailangang pinansiyal na tulong ang halos lahat ng estudyante ng allied health sciences programs matapos aprubahan ng Bicameral Conference Committee ang suhestiyon ni Sen. Bam Aquino na maglaan ng P500 milyon para sa Related Learning Experience (RLE) sa 2026 national budget.
Bilang bahagi ng kanyang individual amendment noong Senate budget hearing, inirekomenda ni Aquino ang pagdaragdag ng ₱500 milyon sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng Higher Education Development Program, na partikular na inilaan para sa “Financial Support for RLE Requirements in Allied Health Sciences Programs.”
Kabilang sa mga allied health sciences programs ang Nursing, Medical Technology/Medical Laboratory Science, Pharmacy, Physical Therapy, Occupational Therapy, Respiratory Therapy, Radiologic Technology, Midwifery, Nutrition and Dietetics, Speech-Language Pathology, Human Biology/Pre-Med Allied Programs, Dentistry, Biochemistry, at Psychology.

“Iyong RLE na napakamahal, maraming nagda-dropout na nursing students. Ngayon, may subsidiya, kasama na sila,” wika ni Aquino sa isang panayam sa telebisyon.
Malaki ang maitutulong ng pondo para mapagaan ang pasanin ng mga estudyante sa allied health sciences programs at kanilang pamilya, para maiwasan ang dropouts at matiyak na makukumpleto nila ang kailangang training.
“Sa pamamagitan nito, mababawasan ang kanilang pasanin sa pag-aaral at makatutulong ito para maabot ang kanilang pangarap na magandang buhay, hindi lang para sa kanilang sarili, kundi para sa kanilang pamilya at mahal sa buhay,” giit niya.
Nalaman ni Aquino ang isyu noong panahon ng kampanya para sa 2025 senatorial elections nang iparating sa kanya ng maraming nursing students ang mataas na gastos na kanilang pinapasan para sa RLE, na katumbas ng on-the-job training (OJT) at isang requirement para sa pagtatapos ng kursong nursing.
“Ipinaabot nila sa atin noon na maraming nursing students ang napipilitang mag-dropout dahil sa mahal na gastusin para sa RLE. Nangako tayo sa kanila noon na gagawan ito ng paraan,” wika niya.
Sa ilalim ng isang special provision sa 2026 budget, gagamitin ang pondo upang magbigay ng one-time financial support na sasagot sa mga gastusin para sa RLE requirements ng mga estudyante sa allied health sciences programs.
Ayon kay Aquino, bibigyang-prayoridad ang low-income students sa patakarang ilalabas ng Commission on Higher Education (CHED) upang matiyak ang patas at epektibong pagpapatupad ng probisyon.
Upang maisabatas ito, naghain din si Aquino ng Senate Bill No. 123, na naglalayong gawing libre ang RLE sa State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs).
Sa ilalim ng panukalang batas, maaaring mag-apply ang mga nursing students sa private universities para sa TES assistance upang masagot ang mga gastusin sa RLE.
Natupad din ang pangako ni Aquino na mataas na pondo para sa Free College Law at Tertiary Education Subsidy (TES) matapos aprubahan ng bicam ang P67 bilyon para sa pagpapatupad ng Republic Act No. 10931 at dagdag na pondo para sa TES.
Inaprubahan din ng bicam ang P1.38 trilyong budget para sa edukasyon — pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa –kabilang ang P68 bilyon para sa konstruksyon ng mga silid-aralan at P25.6 bilyon para sa School-Based Feeding Program.
