Budget transparency, dapat tuloy-tuloy sa kabila ng ‘birth pains’ – Lacson
Ni Ernie Reyes
Sa kabila ng nararanasang “birth pains” sanhi ng deadlock sa bicameral conference committee meetings kaugnay ng 2026 budget bill, iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkules na kailangang ipagpatuloy ng mga mambabatas ang pagsisikap na tiyakin ang transparency sa proseso ng pagbubuo ng badyet.
Binigyang-diin din ni Lacson na dapat tiyakin ng mga Pilipino — hindi lamang ang mga mambabatas — na hindi na mauulit ang mapapait na aral mula sa anomalya sa mga flood control projects upang tunay na makabangon at umusad ang bansa.

“Unprecedented ito. Pinaguusapan nga namin kahapon. Sabi ko kay Sen. Sherwin Gatchalian, alam mo itong nangyaring deadlock at usaping ganyan, birth pains ito kasi di pa nangyari ang ganito ka-transparent especially ang bicam. Kasi alam natin ang kalakaran noong nakaraan. So birth pains ito,” ani Lacson sa isang panayam sa isang himpilan ng radio.
“Ito ang pagkakataon para ireporma natin ang budgeting system natin. Kung di pa tayo uusad after itong napakasakit na experience sa flood control project scandal, wala na talaga tayong pagasa,” dagdag niya sa hiwalay na panayam sa ibang himpilan ng radio.
Sa mga bicam meeting para sa 2026 budget, itinaas ng bicameral conference committee ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) sa P51 bilyon, at naglaan ng P33 bilyon para sa farm-to-market roads.
Nagpahayag ng pangamba si Lacson na maaaring maging daan ang MAIFIP sa political patronage kung walang sapat na safeguards. Tinukoy rin niya ang mga natuklasan ni Sen. Francis Pangilinan na hindi bababa sa P8 bilyong halaga ng farm-to-market roads ang hindi maayos na natukoy o kahit na-revise mula sa mga proyektong inaprubahan ng Senado sa ikatlong pagbasa — walang grid coordinates o malinaw na project descriptions.
Dahil sa mga deadlock, umusbong din ang posibilidad na ma-reenact ang 2025 budget kahit sa unang buwan ng 2026. Ayon kay Lacson, maaaring “understandable” ang reenacted budget sa loob ng isang buwan o isang quarter, ngunit makasasama kung tatagal ito ng isang semestre.
“Ang masama kung whole year o one semester kasi lump sum ang lahat na 2025 budget kung magkano ang total kasi walang items, wala pa ang 2026,” aniya.
Para sa 2026 budget, iginiit ni Lacson na naglatag na ang panig ng Senado ng mga “non-negotiable” na safeguards upang maiwasan ang pag-abuso sa pondo ng bayan.
Kabilang dito ang ganap na pagbabawal sa guarantee letters para sa MAIFIP, kung saan maging ang mga medical mission ay maaaring maging bukas sa katiwalian dahil minsan ay inaalok ang pondo ng MAIFIP sa mga doktor na kalahok dito.
Isa pa ang “anti-epal” na general provision sa budget bill na nagbabawal sa political exploitation o manipulasyon ng MAIFIP at iba pang aid programs. Ito ay kaayon ng Senate Bill 31 ni Lacson — ang Expanded Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act of 2025 — na nagpaparusa sa anumang uri ng political exploitation at manipulasyon ng mga programa, at naglalatag ng institutional support para sa maayos na implementasyon, monitoring, at evaluation.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Lacson, ang mga sangkot sa political exploitation at manipulasyon ng tulong sa ilalim ng Pantawid Pag-Asa ay papatawan ng perpetual absolute disqualification mula sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
“Same page na kami dito. Ito ang pagkakataon para ireporma natin ang budgeting system natin,” sinabi ni Lacson kaugnay ng pagkakaisa nila ng kanyang mga kapwa senador.
Binanggit din ni Lacson na mahalagang hakbang sa transparency ang livestreaming ng mga pagdinig, kabilang ang bicameral conference committee proceedings, upang masubaybayan ng publiko ang mga panukala at amendment ng mga mambabatas.
“Ang oversight hindi lang ang mga mambabatas ang involved, pati kababayan natin, mga ordinary mamamayan, pwede mag-oversight,” aniya.
