DepEd PMO kinalampag ni Cayetano sa paglutas sa 160K classroom backlog

Ni Ernie Reyes

Matinding kinalampag ni Senador Alan Peter Cayetano ang Department of Education Central Office Project Management Office (DepEd PMO) na dapat manguna sa paglutas ng kakulangan sa silid-aralan sa buong bansa na nakakasagabal sa pag-unlad ng kabataan.

Sa pahayag, sinabi ni Cayetano sa deliberasyon ng Senate Bill No. 1482 o Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act, na inakda ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino na dapat DepEd PMO ang tumugon sa 165,000 na kakulangan sa silid-aralan at hindi lamang bilang tagasuri o taga-apruba ng construction proposal.

“Can we make it more proactive? … The PMO shall take the lead, although they can approve (proposals), but they shall take the lead (in addressing) the national classroom shortage program at the fastest time in the most effective manner,” wika ni Cayetano nitong December 16, 2025 sa period of amendments ng panukala.

Layunin ng CAP Act na tugunan ang backlog sa silid-aralan sa pamamagitan ng pagpapakilos sa local government units (LGUs) at kwalipikadong non-government organization bago lumala ang problema dahil sa kawalan ng aksyon.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng awtorisasyon ang mga LGU at NGO na magtayo ng mga silid-aralan gamit ang pondo ng pamahalaan, alinsunod sa mga pamantayan at alituntunin na itinakda ng DepEd.

Para kay Cayetano, mapipilitang kumilos and DepEd sa halip na maghintay ng mga panukala kung babaguhin ang mandato nito mula sa “review and approve” lamang sa aktibong pag-“pursue” ng mga proyekto.

“How do you deal with crisis? You can’t just let it pass, you have to do something proactive… Instead of ‘review and approve,’ something like shall ‘pursue’… It will be symbolic (for the PMO) kasi sa ‘shall review and approve project proposals’ para bang sila pa maghihintay na may proposal…  This mandate would make them get things done,” paliwanag ng senador. 

Matapos tanggapin ni Aquino ang amendment, inaprubahan na ng Senado ang CAP Act sa ikalawang pagdinig.

Nagpasalamat si Cayetano sa sponsor ng panukalang batas at sinabing ang kakulangan sa silid-aralan ay “isang napakahalagang isyu sa lahat” at dapat na matugunan nang madalian.