BICAM PINURI NI BAM SA TRANSPARENCY, WALANG BAWAS PONDO SA EDUKASYON
Ni Ernie Reyes
Pinuri ni Senador Bam Aquino ang bicameral conference committee sa pagpapanatiling buo ng pondo para sa edukasyon at sa pagsusulong ng transparency sa proseso ng pag-apruba ng 2026 national budget.
Inaprubahan ng bicameral conference committee ang P1.38 trilyong badyet para sa edukasyon—ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa. Katumbas ito ng 4.5 porsiyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa at alinsunod sa pamantayan ng United Nations na nagtatakda ng 4 hanggang 6 na porsiyento ng GDP para sa edukasyon.

“Kabataan ang panalo sa pinakamalaking pondo para sa edukasyon dahil tutugunan nito ang ilan sa pinakamahalaga nilang pangangailangan at ang mga matatagal nang problema sa ating mga paaralan,” ani Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
“Lubos tayong nagpapasalamat sa mga miyembro ng bicam, sa pangunguna nina Senate Finance Committee Chair Sen. Sherwin Gatchalian at House Committee on Appropriations Chair Rep. Mika Suansing, sa matibay nilang paninindigan para maprotektahan ang pondo para sa edukasyon,” dagdag niya.
Kasama sa halaga ang P67 bilyon para sa implementasyon ng Republic Act No. 10931 o Free College Law na inakda ni Aquino. Tinitiyak nito ang pagpapatuloy ng pag-aaral ng 5.7 milyong estudyante sa state universities and colleges at local universities and colleges para sa taong 2026.
Inaprubahan ng bicam ang dagdag na pondo para sa Tertiary Education Subsidy (TES), P68 bilyon para sa patatayo ng mga silid-aralan, at P25.6 bilyon para sa School-Based Feeding Program.
Inaprubahan din ang rekomendasyon ni Aquino na maglaan ng P500 milyon bilang tulong-pinansyal para sa Related Learning Experience (RLE) ng mga estudyante sa allied health sciences programs.
Kabilang sa allied health sciences programs ang Nursing, Medical Technology/Medical Laboratory Science, Pharmacy, Physical Therapy, Occupational Therapy, Respiratory Therapy, Radiologic Technology, Midwifery, Nutrition and Dietetics, Speech-Language Pathology, Human Biology/Pre-Med Allied Programs, Dentistry, Biochemistry, at Psychology.
Pinuri rin ni Aquino ang desisyon ng bicam na bawasan ang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) batay sa updated na datos ng ahensya sa presyo ng construction materials at logistics.
“Nagpapasalamat tayo sa hakbang ng bicam na tapyasan ang pondo ng DPWH batay sa tunay na presyo ng mga materyales sa merkado. Hindi katanggap-tanggap na magpapasa tayo ng pambansang budget kasama ang overpriced items.” aniya.
Pinuri pa ni Aquino ang bicameral conference committee sa pagsusulong ng transparency sa pamamagitan ng pagla-livestream ng deliberasyon sa budget, kung saan nabigyan ng sapat na kaalaman publiko kung saan napupunta ang kanilang pinaghirapang buwis.
Gayunman, binigyang-diin niya ang pangangailangan ng patuloy na pagbabantay upang matiyak na magagamit ng mga ahensya ng gobyerno ang pondo sa edukasyon at para sa kapakinabangan ng mga mag-aaral.
“Hindi tayo puwedeng magpakampante. Mahalaga na maging mapagbantay tayo upang masiguro na mapupunta ang pondo sa edukasyon, hindi sa korapsyon,” giit ni Aquino.
