UNANG BATCH NG MGA DI-UMANOY CONG-TRACTORS: Pinakakaloboso sa Ombudsman, Dawit pati mga kamag-anak, kapatid at asawa!
RoadNews Inverstigative Team
Mainit na usapin ngayon ang umano’y pagsasampa ng reklamo sa Ombudsman laban sa mga tinatawag na kongresistang contractor — mga mambabatas na inuugnay sa mga kumpanyang tumatanggap ng proyekto ng gobyerno.
Batay sa mga nailathalang ulat kabilang sa tinutukoy sa imbestigasyon si Congresswoman Cristy Angeles ng Ikalawang Distrito ng Tarlac. Ayon sa mga report, ang kanyang asawa ay may posisyon sa isang construction company na rehistradong contractor ng pamahalaan, kabilang umano sa mga proyektong may kinalaman sa flood control — mga proyektong pinondohan ng bilyon-bilyong pisong buwis ng taumbayan.
Hindi rin nakaligtas sa mata ng publiko ang katotohanang ang anak ng mambabatas ay kasalukuyang Vice Mayor ng Tarlac City. Bagama’t hindi awtomatikong nangangahulugan ng paglabag ang pagkakaroon ng magkakamag-anak sa puwesto, malinaw na nagbubukas ito ng tanong: sapat ba ang mga mekanismo ng gobyerno upang maiwasan ang conflict of interest at pang-aabuso ng impluwensya?
Sa isang demokrasya, hindi lamang pagiging legal ang sukatan ng tama. Mahalaga rin ang pananagutan, delicadeza, at malinaw na paghihiwalay ng kapangyarihan at negosyo. Kaya naman tama lamang na manawagan ang publiko ng buong transparency — mula sa pag-apruba ng proyekto, bidding process, hanggang sa implementasyon at audit ng pondo.
Sa huli, ang isyung ito ay hindi lamang tungkol sa isang pangalan o pamilya, kundi tungkol sa mas malaking laban para sa malinis, tapat, at makataong pamahalaan. Ang mata ng bayan ay nakatutok, at ang tanong: may mananagot ba?

