CORRUPTION DI DAPAT MAGING HADLANG SA PAGGASTOS SA IMPRASTRAKTURA – Gatchalian

Ni Ernie Reyes

Binigyang-diin ni Senador Win Gatchalian na hindi dapat maging hadlang ang korapsyon sa paggastos ng pamahalaan para sa pagpapatayo ng mga imprastraktura,  dahil maaari nitong pabagalin ang paglago ng ekonomiya.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Finance, ikinatwiran ni Gatchalian na ang korapsyon ay dapat tugunan sa pamamagitan ng pagpapanagot at pagpapakulong sa mga may sala, at hindi sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga programa sa imprastraktura na mahalaga sa paglago ng ekonomiya.

“Hindi pwedeng maging dahilan ang korapsyon para tanggalin ang mga programa sa imprastraktura, dahil kung hindi ay ang mamamayan natin ang magdurusa. Ang solusyon sa korapsyon ay sampahan ng kaso ang mga may sala, ikulong sila, at papanagutin,” aniya.

Ang inilaang pondo para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong taon ay binawasan at ginawang P521 bilyon na lang. Sa antas na 4.5% lamang ng GDP, ang naturang alokasyon ay mababa sa target na 5% at itinuturing na pinakamababang pondo ng ahensya sa mga nakalipas na taon.

“Mula noon pumutok ang isyu sa flood control, nagkaroon na ng pagbagal sa paggasta para sa imprastraktura. Kaya maraming natirang pondo para sa imprastraktura na maaaring ituloy para sa 2026. Kailangan nating mag-adjust. Hindi ito pwedeng maging permanente. Kailangan pa rin nating gumastos ng 5% ng GDP o higit pa para sa imprastraktura,” pagbibigay-diin niya.