FLOOD CONTROLS RECORDS NG DISCAYA SA DUTERTE ADMIN, PINALALANTAD NI HONTIVEROS
Ni Ernie Reyes
Hinamon ni Senador Risa Hontiveros ang mag-asawang Discaya na ilantad at isumite sa Senado ang lahat ng records na hawak nito sa flood control projects at iba pa sa panahon dating administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na kung talagang gustong patunayan ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na makipagtulungan sa awtoridad kung susunod sa kautusan ng Senado na isumite ang flood control project records mual 2016 hanggang 2022.

“Kung gustong ipakita ng mag-asawang Discaya na nais nilang makipagtulungan sa pamahalaan at ilahad ang kanilang nalalaman, dapat na silang sumunod sa halos 4 na buwan nang utos ng Senado na ibigay ang records ng projects nila mula 2016 hanggang 2022,” ani Hontiveros.
Sa ginanap na huling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa flood control scam, inireklamo ni Curlee Discaya ang itinuturing nitong “modern-day robbery” matapos silang pagsauliin ng ill-gotten money as bilang bahagi ng nabigong application Witness Protection Program.
Pero, sinabi ni Hontiveros na hindi dapat magkunwaring “biktima” ang mag-asawa saka binanggit na palaging binabalewala ng mag-asawang Discaya ang kautusan ng Senado dahil hindi pa nito isinusumite ang kanilang records kabilang ang financial ledgers, sa flood control projects mula 2016-2022.
“September 25, 2025 pa yung order ng Senate Blue Ribbon Committee na i-turn over ang kanilang records, at sabi ni Curlee Discaya noon, under oath, na susunod sila. Ngayon 2026 na, at kahit pa nag-follow up na ang komite, wala pa ring isinusumite ang mga Discaya. Ang bilis nila umoo noon, ngayon ang daming palusot,” ani Hontiveros.
Ipinaliwanag ni Hontiveros na susuriin ng komite ang records mula 2016 hanggang 2022 dahil inamin nilang na nagsimula silang makakuha ng kontrata sa flood control projects noong 2016.
“Ayon nga sa datos ng komite, halos P207 billion in government contracts ang nakuha ng Discaya companies mula 2016 hanggang 2025, kaya mahalaga na masilip lahat iyan,” dagdag ng senadora.
“Ewan ko ba kung bakit binabato pa ng mga Discaya sa iba ang responsibilidad na sumunod sa utos ng Senate Blue Ribbon Committee,” giit ni Hontiveros.
