MALING COORDINATES, GINAWANG COVER-UP SA GHOST FLOOD CONTROL PROJECTS – Bam Aquino

Ni Ernie Reyes

Nagpahayag ng matinding pangamba si Senador Bam Aquino na maaaring ginagamit ang maling coordinates na isinumite ng Department of Public Works and Highways (DPWH)   bilang cover-up at magresulta sa pagkaantala sa pagsasampa ng kaso hinggil sa maanomalyang flood control projects.

Inamin ng DPWH sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na kailangan nilang magsagawa ng panibagong proseso ng validation para sa humigit-kumulang 10,000 flood control projects na kanilang sinuri sa buong bansa dahil sa naipasang maling coordinates.

Humigit-kumulang 421 flood control projects ang inilista bilang “ghost” sa paunang inspeksyon.

“Ang takot ko, iyong publiko, na ngayon pa lang, mababa na ang tiwala sa atin, baka ang isipin nila nagco-cover up tayo kasi iyong four hundred noon na binalandra natin, ngayon sabihin mo ng 200 na lang, 150 na lang,” ani Aquino.

“Ibig sabihin niyan, mas konti iyong mga alanganing nahanap. Naiisip niyo po ba yun, na baka iyon ang dating sa tao, na may tinatago tayo? Sinabi na nating 400, ngayon babalik tayo, 300 lang pala, 200 lang pala,” dagdag niya.

Sinabi ng Senador na dapat balikan ng DPWH ang 421 proyekto na tinukoy bilang “ghost” at ipaliwanag sa publiko kung saan nagkamali sa kanilang paunang inspeksyon.

“Maging malinaw tayo at ilagay talaga natin nasaan iyong proyekto nahanap ninyo kumpara sa bawat coordinate na binigay natin doon sa 421, ‘di ba? Kung babawasan natin yan, dapat malinaw na ang coordinate na ito, ang proyekto na nagawa pala ay nandito, and that should be within the same municipality, the same town, or even the same river system,” iginiit niya.

Hiningi rin ni Aquino sa DPWH na magbigay ng malinaw na timeline para sa pagpapalabas ng validated list ng ghost at substandard projects.

“I suggest you come up with that list as soon as possible, and ma-explain ninyo sa bawat tinanggal ninyo doon sa 421, dapat mayrong explanation din iyan, na saan nagkamali doon sa datos,” diin ng senador.

“Because again, I’m just warning you, na ang tiwala, hindi lang sa inyo, sa ating lahat sa gobyerno, napakababa. Baka ang automatic na iisipin ng mga tao, may tinatago tayo,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Aquino na dapat bawiin ng gobyerno ang mga ninakaw na pondo, panagutin ang mga responsable sa maanomalyang flood control projects, at magpatupad ng kailangang reporma upang hindi na maulit ang katulad na katiwalian sa hinaharap.