PROPESYONALISASYON NG GURO, TINIYAK NI GATCHALIAN: ‘LICENSURE EXAM REREPASUHIN’

Ni Ernie Reyes

Naghain si Senador Win Gatchalian ng isang panukalang batas upang amendahan ang Philippine Teachers Professionalization Act of 1994 o ang Republic Act No. 7836 upang repasuhin ang  licensure examination sa guro.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance na nakatakda sa sa Senate Bill No. 52, dadagdagan  ang miyembro ng Board for Professional Teachers upang mas lalong tumingkad ang pagususlit.

Magkakaroon din ng hiwalay na examinations para sa special needs at early childhood education maliban pa sa mga isinisagawa para sa elementary at secondary level.

Binibigyan ng senador sa panukalang batas ang Professional Regulation Commission (PRC), sa pakikipagtulungan sa Teacher Education Council (TEC), na ilatag ang saklaw ng mga examinations para sa ibang larangan ng mga specialization, kabilang ang akmang qualifications.

Aniya, kakailanganin namang kumuha ng refresher course ang mga hindi makakapasa ng dalawang beses sa licensure examination.

Iminumungkahi din sa naturang panukala ang pagsumite ng portfolio na nagpapakita ng kaalaaman at kakayahan pagdating sa professional teaching standards para sa Board Licensure Examination for Professional Teachers.

Magkakaroon din ng kapangyarihan ang Teacher Education Council (TEC) na magtalaga ng mga pamantayan sa paghanda, pag-assess, at pagsuri sa isinumiteng portfolio.

“Mahalagang masigurong handa at may sapat na kakayahan at kaalaman ang ating mga guro, lalo na ngayong patuloy na nagbabago ang paraan ng pagtuturo,” ani Gatchalian, Vice-Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.