Ban sa Anti-Political Dynasty, isasagad hanggang third degree – Bam Aquino

Ni Ernie Reyes

Nagpahayag ng kumpiyansa si Senador Bam Aquino na malaki ang tsansang maipasa ang panukalang batas laban sa political dynasty, sa pagsasabing ito ay matagal nang inaasam na reporma na ipinaglaban ng mga Pilipino sa nakalipas na apat na dekada.

Sa kanyang termino bilang chairperson ng Senate Committee on Youth noong 16th Congress, nagtrabaho si Aquino para sa pagsasabatas ng Republic Act No. 10742, o ang Sangguniang Kabataan Reform Act, ang kauna-unahang batas sa bansa na may probisyon laban sa political dynasty.

Iginiit ni Aquino, may-akda ng Senate Bill No. 1558, na may pagkakataong maipasa ang nasabing panukala dahil may parehong pagkilos na sa House of Representatives at Senado upang tuparin ang mandato ng 1987 Constitution.

“With the majority of political families themselves initiating and pushing for anti-dynasty reforms, the chances of this measure being enacted into law are high,” sabi ni Aquino.

Nililimitahan ng panukala ni Aquino ang pagbabawal hanggang sa third degree ng consanguinity at affinity at nagpapahintulot na isang halal na opisyal lang mula sa isang pamilya na maupo sa puwesto sa isang pagkakataon.

“Bawal ang sabay-sabay. Mabibigyan nito ng pagkakataong tumakbo ang sinuman na may katulad na hangaring makapagsilbi sa bansa at sa kapwa,” ani Aquino.

Ilan sa third degree na kaanak ang first cousin, lola at lolo sa tuhod at apo sa tuhod, tito at tita na kapatid ng lola at lolo mo, at apo ng kapatid.

Ayon sa legal experts, mas praktikal at maipatutupad ang paglilimita ng pagbabawal sa mga kamag-anak hanggang third degree ng consanguinity sa ilalim ng sistema ng halalan sa bansa.

Sa ilalim ng panukala ni Aquino, kung dalawang magkamag-anak na kandidato ang manalo sa posisyon na magreresulta sa sabay-sabay na termino, dapat magsagawa ang Board of Canvassers ng pampublikong pagpupulong upang lutasin ito.

Kung parehong nagkasundo ang dalawang kandidato bago ang eleksyon kung sino ang aatras, igagalang ng Board ang kasunduang iyon. Kung hindi, tutukuyin ng Board ang tamang nanalo sa pamamagitan ng bunutan at agad mag-iisyu ng certificate of proclamation.

Pinahihintulutan ng panukala ang Commission on Elections (COMELEC) na kanselahin o ipawalang-bisa ang proklamasyon na labag sa batas o suspindihin ang pag-upo sa opisina ng anumang kandidato na saklaw ng pagbabawal.