GOBYERNO KINALAMPAG NI CAYETANO SA K TO 12 PROGRAM: ‘EDUCATION TARGET, LINAWIN’
`Ni Ernie Reyes`
Kinalampag ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang gobyerno upang linawin ang mga education target, partikular tungkol sa desisyon nito sa pagpapatupad at pagpondo ng K to 12 program.
Sinabi ito ni Cayetano habang tinatalakay sa plenaryo ang National Education and Workforce Development Plan 2026-2035 (Senate Concurrent Resolution No. 8) na kalakip ang ulat at rekomendasyon ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).
Aniya, habang sinusiportahan niya ang ten-year framework na ipapatupad ng gobyerno, kailangan pa rin tugunan ang hindi masolusyunan na estado ng K to 12 bilang isang “big elephant in the room.”
“Mr. President, I rise today to put this on record. Maganda ang 10-year plan, I support it. Maganda po ang findings ng EDCOM 2 – y’ung first, second, and third publications. But the big elephant in the room is if we decide to fully fund it (K to 12),” wika ng Minority Leader nitong February 2, 2026.

“Baka naman po y’ung tinatarget natin sa K to 12 ay target ng USA, ng Europe, at ng Japan. Pero sa Pilipinas, kailangan natin linawin ang ating target,” dagdag niya.
Sabi pa ni Cayetano, nasa ulat ng EDCOM 2 na kinakailangang pag-aralan kung epektibo ang K to 12 sa bansa dahil ang pagbabago ng basta-basta sa curriculum ay hindi sapat habang hindi maayos ang kasalukuyang sistema.
Aniya, malinaw ito sa mga resulta kung saan 0.4% ng mga mag-aaral sa Grade 12 ay natututo, samantalang 74% ay bagsak kahit sa minimal skills.
Matagal nang kritiko sa pagpapatupad ng programa si Cayetano dahil, aniya, bigo ang K to 12 na ihatid ang mga ipinangakong pagpapabuti nito sa edukasyon. Kaya mula nang bumalik siya sa Senado noong 2022, nag-iingay na siya para gumawa ang mga kinauukulan ng isang radikal na desisyon para ito ay suspindihin o tuluyang pondohan ng gobyerno.
Kinilala ng senador ang marangal na hangarin sa likod ng K to 12 program at ang iba’t ibang pagsisikap na ginawa ng mga stakeholder upang matugunan ang mga hamon sa edukasyon ng bansa. Gayunpaman, nagbabala siya na nabibitin ang potensyal ng programa dahil sa patuloyn na pag-aalinlangan ng gobyerno.
“I don’t want to use half-hearted kasi tumotodo naman tayo. But ang punto ko, kung hanggang 100 kilometers ang takbo ng kotse at kaya natin mag-100 kilometers, no one can say na half-hearted tayo. Pero kung hanggang 200 kilometers ang takbo ng kotse, at sabihin natin, ‘Boss, hanggang 120 lang kaya natin, yung 80, hindi’, y’ung potential na 80 ay half-hearted,” paliwanag niya.
Habang suportado niya ang panukala, muling ipinanawagan ni Cayetano sa gobyerno na magdesisyon na sa programa.
“Mr. President, may I just put that at the doorstep or at the feet of our honorable senators and decision-makers. Yes, let’s do everything we can — better budget for 2027, full implementation in 2026, a 10-year plan. But sooner or later, hindi natin pwedeng hindi ito pag-usapan,” wika ng senador.
