GATCHALIAN – NABAHALA SA PAGDAMI NG LOVE SCAM TUWING VALENTINE’S DAY
Ni Ernie Reyes
Habang papalapit ang Valentine’s Day, nagbabala si Senador Win Gatchalian sa publiko laban sa mas sopistikadong uri ng mga ‘love scam’ na gumagamit na ngayon ng artificial intelligence (AI) at, sa ilang pagkakataon ay, humahantong pa sa sexual exploitation sa mga biktima.
Ang panawagan ni Gatchalian ay kasunod ng babala ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) tungkol sa lumalalang panganib ng mga love scam na gamit ang AI, na pinupuntirya ang mga taong naghahanap ng romantikong relasyon.
Ayon sa datos ng CICC, nakatanggap sila ng 123 pormal na reklamo noong 2025, kung saan karaniwang tumataas ang bilang ng mga kaso mula Enero hanggang Pebrero, gayundin tuwing Hunyo at Oktubre.

“Sa kabila ng pambansang pagbabawal sa mga POGO, patuloy na sinasamantala ng mga kriminal na sindikato ang mga butas sa batas sa pamamagitan ng iba’t ibang modus, kabilang ang mga love scam. Nakakalungkot na hindi na lang basta naloloko ang ilan nating kababayan ng perang kanilang pinaghirapan, ang iba ay nagiging biktima pa ng prostitusyon,” pahayag ni Gatchalian.
Ayon sa CICC, may anim na profile ng mga scammer silang natukoy: ‘Sad boy/sad girl,’ na nagbabahagi ng mga madramang problema bago humingi ng pera; ‘Seducer,’ na nakakakuha ng mga malalaswang larawan ng biktima; ‘Investor,’ na nag-aalok ng mga pekeng cryptocurrency scheme; ‘Serviceman,’ na nagpapanggap na sundalong naka-deploy sa ibang bansa; ‘Escort,’ na humihingi ng paunang bayad para sa serbisyo; at ‘Slow burner,’ na nagpapatagal at nag-aalaga ng long-distance relationship bago manghiram ng pera.
