Electricity lifeline subsidy sa mahihirap, dapat basic appliances lang – solon
Ni Ernie Reyes
Inihayag ni Senador Win Gatchalian na ang sakop ng electricity lifeline program para sa mga benepisyaryo o mahihirap na pamilya ay ang nakukunsumong kuryente lamang ng mga basic appliances nila.
Ang pangunahing sakop ng programa ay mga pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

“Ang lifeline program ay dinisenyo upang magbigay ng subsidiya para sa mga pangunahing kasangkapan o basic appliances at hindi nito intensyon na bayaran nang buo ang electricity bill ng mga benepisyaryo,” paglilinaw ni Gatchalian sa nakaraang pagdinig ng Senado.
Si Gatchalian, na dating chairperson ng Senate Energy Committee, ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act 11552.
Pinalawig ng batas na ito ang lifeline rate subsidy sa loob ng 50 taon upang matiyak ang pangmatagalang tulong sa mga pamilyang may mababang kita.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang programa ay dapat mapakinabangan lamang ng mga kuwalipikadong mahihirap.
“Kapag ang consumption mo ay 20 kilowatt-hours per month, pwede ka nang maka-avail ng lifeline rate. Dati, consumption lang ang basehan. Kaya may mga condo na hindi naman natitirhan ng owners dahil may bahay sila sa ibang lugar, pero nakaka-avail pa rin,” paliwanag niya.
Ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng 4Ps sa ilalim ng lifeline rate program ay dapat may buwanang konsumo ng kuryente na 100 kWh o mas mababa pa upang makakuha ng diskwento mula 20 hanggang 100 porsyento sa kanilang Meralco bill, depende sa kanilang aktwal na konsumo.
