BENTENG BIGAS, BINUKSAN SA SAN JUAN: RESIDENTE, NAG-UNAHAN: DA at City Hall nagkaisa; ‘Hindi ito promo—seryosong tulong sa hapag ng Pilipino’

Ni Iza Aldana

SAN JUAN CITY — Pormal nang inilunsad ang programang “Benteng Bigas Meron Na” sa San Juan City kahapon Pebrero 13, kung saan dagsa agad ang mga residente para makabili ng murang bigas.

Personal na pinangunahan ni Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagbubukas ng rollout site, kasama si Francis Zamora, habang mahahabang pila ang bumungad sa bentahan.

Sa kanyang mensahe, binati pa ng kalihim ang publiko sa nalalapit na Valentine’s Day at sinabing ang tunay na pagmamahal sa pamilya ay ang pagtitiyak na may pagkain sa hapag.

“Hindi ito promo, hindi ito sale. Ito ay seryosong programa para sa food security ng bansa,” diin ni Tiu Laurel.

Layunin ng Benteng Bigas na tulungan ang mga konsyumer na makabili ng abot-kayang bigas sa gitna ng taas-presyo, habang sinusuportahan din ang mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagbili ng kanilang ani.

Target ng pamahalaan na palawakin pa ang programa sa iba’t ibang lungsod at probinsya sa tulong ng Department of Agriculture at suporta ng administrasyon ni Bongbong Marcos.

Mensahe ng gobyerno: mas murang bigas, mas busog na pamilya.