14K PULIS, IKAKALAT SA EDSA; AFP NAKA-RED ALERT SA ‘TRILLION PESO MARCH’ AT EDSA40
Ni Nelle de San Jose
Naka-full alert na ang mga awtoridad sa darating na February 25 kaugnay ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, kasabay ng inaasahang malawakang kilos-protesta o “Trillion Peso March”.
Sa briefing sa Kampo Aguinaldo, inanunsyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na naka-Red Alert status na sila mula pa noong February 21.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, naka-standby na ang kanilang mga tauhan at kagamitan para sa anumang posibleng mangyari sa araw ng protesta.
Binigyang-diin naman ni Padilla na hindi magiging “provocative” ang presensya ng AFP at mananatili silang non-partisan habang mahigpit na sumusunod sa batas.
Samantala, ipatutupad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mahigpit na “no permit, no rally” policy ngayong Miyerkules.
Ayon kay NCRPO Spokesperson PMaj. Hazel Asilo, dadagsa ang mga lalahok sa protesta at dalawang malalaking pagtitipon ang inaasahan nila kaya kinakailangan na maagang makapaghanda ang buong kapulisan.
Tinatayang aabot naman sa 14,000 pulis ang ipapakalat sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila upang tiyakin ang kaligtasan at seguridad— hindi lamang ng mga lalahok pati na rin ang publiko.

