PANUKALA PARA BIGYAN NG CIVIL SERVICE ELIGIBILITY ANG MGA CONTRACTUAL AT CASUAL EMPLOYEE, ISINUSULONG SA KAMARA

Ni Weng Torres

Sa likod ng mga transaksyon sa mga tanggapan ng gobyerno, nariyan ang mga casual at contractual employees, sila ang humahawak ng mga gawain na kadalasa’y siyang tumatakbo sa pang-araw-araw na operasyon ng isang ahensya. Subalit sa kabila ng kanilang haba ng serbisyo at dedikasyon, nananatili silang walang seguridad sa trabaho at hindi nakakatanggap ng mga benepisyong tinatamasa ng mga regular na kawani.

Isinusulong ni 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” Oducado na bigyan ng kaukulang pagkilala ang mga manggagawang ito sa pamamagitan ng House Bill No. 6960. Sa ilalim ng panukala, pagkakalooban ng civil service eligibility ang mga casual at contractual employees na nakapaglingkod na ng tuluy-tuloy sa loob ng limang taon sa gobyerno. Ayon kay Oducado, ito ay isang pagkilala sa kanilang katapatan at dedikasyon, at para na rin maipagpatuloy nila ang mahalagang serbisyo na kanilang ginagampanan.

Binigyang-diin ng mambabatas na bagama’t mahigpit ang kompetisyon upang makapasa sa eksaminasyon ng Civil Service, marami sa mga contractual ang may sapat na kakayahan at karanasan na bunga ng kanilang mahabang taon ng paglilingkod. Ipinakita ni Oducado na sa kabila ng 331,675 na kumuha ng pagsusulit sa buong bansa, 45,730 lamang o 15.14 porsyento ang pumasa sa Professional Level, at 4,366 naman sa Sub-professional Level, isang indikasyon kung gaano kahirap pumasa sa regular na eksaminasyon.

Kung maisasabatas ang panukala, mabibigyan ng prayoridad ang mga empleyadong matagal nang naghihintay ng regularisasyon. Hindi lamang nito bibigyang-katarungan ang kanilang kontribusyon, kundi masisiguro rin ang kanilang kinabukasan sa loob ng kawanihan ng pamahalaan.