TESDA SKILLS PASSPORT, ILULUNSAD PARA LABANAN ANG JOB MISMATCH AT KAKULANGAN SA KASANAYAN

Ni Weng Torres

Maynila – Bilang tugon sa patuloy na problema ng “skills mismatch” at underemployment sa bansa, inihayag ni Tingog Party List Rep. Jude Acidre ang paglulunsad ng TESDA Skills Passport.

Ayon kay Acidre, na siyang chairman ng Committee on Higher and Technical Education ng Kamara at co-chairman ng EDCOM II, napapanahon ang inisyatibong ito ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang masolusyunan ang kakulangan sa teknikal-bokasyonal na edukasyon at pagsasanay (TVET) sa bansa.

“Sa pagsapit ng panahon, nababago ang sistema at kalidad ng ating trabaho kaya marapat lamang na ang ating mga sistema ng kasanayan ay kumilos nang mas mabilis at maging mas tumutugon,” pahayag ni Acidre.

Ang Skills Passport ay isang digital na talaan kung saan nakasaad ang training records, national certificates (NC), at mga kakayahan (competencies) ng isang trainee o manggagawa. Sa pamamagitan nito, magkakaroon din ng access ang mga rehistradong indibidwal sa mga scholarship, job matching services, at iba’t ibang training programs.

Binigyang-diin ni Acidre ang potensyal ng TVET sa pagbibigay ng trabaho, na binanggit na ang employment rate ng mga nakatapos nito ay tumaas mula 37 porsyento bago ang pagsasanay tungo sa 58 porsyento isang taon matapos ang programa.

“The TESDA Skills Passport is a reform that helps ensure Filipino workers are not left behind—by making skills visible, portable, and trusted, and by connecting training to real opportunities in the years ahead,” dagdag ng mambabatas.

Sa huli, sinabi ni Acidre na ang hamon ngayon ay hindi lang sa pagbibigay ng karagdagang training, kundi upang tiyakin na ang mga kredensyal na natamo ay katumbas ng aktuwal na trabaho. Aniya, ang mga digital tools tulad ng Skills Passport ang siyang daan upang maihanda ang mga manggagawa sa mga pangangailangan ng merkado sa hinaharap.