Luke Espiritu: EDSA40 Rally, Panawagan ng Pananagutan laban sa Korapsyon ng Marcos-Duterte

ni Iza Aldana

MANILA — Iginiit ni Luke Espiritu, pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, na layon ng nalalapit na EDSA40 rally sa Pebrero 25 na ibalik ang diwa ng People Power at papanagutin ang mga lider na umano’y sangkot sa korapsyon at pandarambong.

Sa panayam kaugnay ng paghahanda sa pagkilos, sinabi ni Espiritu na ang ika-40 anibersaryo ng People Power ay paalala na ang kapangyarihan ay nagmumula sa taumbayan. Aniya, tulad noong 1986 na napatalsik ang rehimen ni Ferdinand Marcos Sr., muli umanong nahaharap ang bansa sa sitwasyong laganap ang katiwalian sa pamahalaan.

Tahasang pinangalanan ni Espiritu sina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte bilang mga dapat managot sa mga isyung ibinabato ng iba’t ibang sektor. Ayon sa kanya, ang pagtitipon sa EDSA ay patunay na hindi mananahimik ang mamamayan at hindi dapat iwasan ang usapin ng korapsyon.

Tinukoy rin ni Espiritu na patuloy umanong lumalabas ang mga ebidensya kaugnay ng sinasabing pandarambong, at giit niya, hindi ito dapat agad ibinasura bilang “hearsay” kundi masusing imbestigahan. Aniya, ang pandarambong ay isang sistematikong krimen na hindi maaaring manatiling lihim.

Sa usapin ng impeachment, iginiit ni Espiritu na ito ay isang prosesong politikal at nakabatay sa bilang sa Kongreso, hindi lamang sa bigat ng ebidensya. Dahil dito, sinabi niyang hindi sapat ang umasa sa mga institusyon kung kontrolado umano ng interes at kapangyarihan ang proseso.

“Hindi korte ang lansangan, pero dito nagmumula ang tunay na lakas,” ani Espiritu, sabay-diin na ang EDSA40 rally ay panawagan hindi lamang laban sa korapsyon kundi pati sa patuloy na kahirapan at paghahari ng iilang makapangyarihan.

Inaasahang lalahukan ng iba’t ibang sektor ang pagkilos sa Pebrero 25 bilang pagpapatuloy ng mga nagdaang anti-korapsyon na protesta at upang igiit ang pananagutan ng mga nasa kapangyarihan.