SB.155 o SIMPLIFIED GOVERNMENT ACCES ACT, SUPORTADO NI CAYETANO
Ni Buboi Patriarca
Malinaw ang punto ni Alan Peter Cayetano: mahalaga ang ayuda, pero hindi ito dapat maging panghabambuhay na sandigan ng mamamayan. Sa pagsuporta niya sa Senate Bill No. 155 o Simplified Government Aid Access Act, kinikilala niya ang realidad na maraming Pilipino ang nangangailangan ng agarang tulong—lalo na sa panahon ng pagkakasakit, sakuna, at biglaang krisis sa pamilya.
Tama naman na gawing mas mabilis at alisin ang pulitika sa pamamahagi ng ayuda. Matagal nang hinaing ng taumbayan ang mabagal, magulong proseso at minsan ay may bahid pa ng palakasan. Kung maisasabatas at maipapatupad nang maayos ang panukala, malaking ginhawa ito sa mga kapos-palad.
Ngunit mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang kanyang diin: hindi dapat masanay ang mga Pilipino sa doleout mentality. Ang tunay na malasakit ay hindi lamang pagbibigay ng pansamantalang ayuda, kundi paglikha ng mga oportunidad—trabaho, puhunan, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan—na magbibigay daan sa pangmatagalang pag-unlad.
Sa huli, ang sukatan ng epektibong pamahalaan ay hindi kung gaano karaming ayuda ang naipamigay, kundi kung gaano karaming pamilya ang hindi na kailangang pumila para rito. Ang tunay na layunin ay isang lipunang may kakayahang tumayo sa sariling paa—may dignidad, may diskarte, at may pangmatagalang seguridad sa kabuhayan.

