MMDA, HINDI DAPAT KUMILOS NANG MAG-ISA – Nebrija

Ni Darwell Baldos

Nanawagan ng pagkakaisa at disiplina sa hanay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) si Col. Edison Nebrija, matapos nitong bigyang-diin na walang saysay ang isang yunit kung ito ay kikilos nang mag-isa.

Sa isang Facebook post na umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa netizens, iginiit ni Nebrija na ang bawat bahagi ng ahensya ay hindi dapat tumuturing na standalone force, kundi bahagi ng isang mas malaking organisasyon na kailangang magkaisa tungo sa iisang layunin.

“When meetings are called, it is to synchronize efforts—not to inflate egos,” ani Nebrija.

Hinimok din niya ang mga opisyal na magtiwala sa kanilang mga tauhan, mag-delegate ng responsibilidad, at patatagin ang kanilang hanay.

Sa parehong post na ibinahagi ni Nebrija, tila may inilatag itong hamon sa ilang mga kasamahan na inuuna raw ang pagva-vlog kaysa dumalo sa mahahalagang pagpupulong.

“Leadership demands trust in your team. If you can’t delegate while you attend meetings called by your superiors, you’re not leading—you’re hoarding control,” saad sa nasabing post.

Dagdag pa nito, may bahaging nakasulat sa Filipino na tila direktang patama sa ilang tauhan ng ahensya: “Iniuna ang vlogging bago meetings!”

“Bong Nebrija” rin ang nakalagay na pangalan sa larawan, na tayo’y napapatanong kung ito ba ay personal na mensahe ng opisyal sa kanyang mga kasamahan sa MMDA.

“Do not be the missing link in operational unity—unless you believe you’re too special to be part of the system. Remember a good leader is a good follower,” dagdag pa ng opisyal.

Ang mga pahayag ay kumakalat sa social media sa ilalim ng hashtags na #STAG9One, #TeamSTAG, at #RealTalkNiNebs, kung saan pinupuri ng ilan ang prangka nitong pananalita.