VICO, SINAMPAHAN NG KASO SI DISCAYA SA COMELEC: OVESPENDING AT PERJURY SA HALALAN 2025?

Ni Iza Aldana

PASIG CITY — Pormal nang naghain ng reklamo si Pasig City Mayor Vico Sotto laban sa dating katunggali sa 2025 mayoral race na si contractor Sarah Discaya, kaugnay ng umano’y labis na paggastos sa kampanya at maling pahayag sa kanyang Statement of Contributions and Expenses (SOCE).

Kasama ang Macalintal Law Office na pinangungunahan ng election lawyer na si Romulo Macalintal, inihain ni Sotto ang reklamo sa Comelec Political Finance and Affairs Department (PFAD) sa Intramuros, Maynila.

Sa kanyang Complaint-Affidavit, iginiit ni Sotto na nilabag umano ni Discaya ang Section 100 ng Omnibus Election Code dahil sa posibleng paggastos nang lampas sa itinakdang limitasyon at sa umano’y hindi pagtutugma ng mga idineklarang gastos sa SOCE.

Batay sa batas, ang mga kandidatong may partido ay maaaring gumastos ng P3 kada rehistradong botante. Sa 463,885 botante sa Pasig, hanggang P1,391,655 lamang ang maaaring gastusin. Ngunit ayon kay Sotto, P895,000 lamang ang iniulat ni Discaya sa kanyang SOCE—na nakasaad para sa “stationery, printing, at distribution of printed materials.”

“Kapag binasa n’yo ang SOCE, nasa humigit-kumulang P800,000 lang ang declared expenditures. Kayo na ang humusga kung ‘yun lang talaga ang ginastos,” ani Sotto sa panayam.

Ayon pa sa alkalde, walang nakasaad sa SOCE hinggil sa umano’y digital advertisements at outdoor billboards na lumabas noong panahon ng kampanya. Nagbigay rin siya ng screenshots ng mga online ads na sinasabing “donated by the Chicco Francisco family” at iba pang ad na nakapangalan umano kay Discaya—na hindi rin aniya nakalista sa SOCE.

Dagdag pa ni Sotto, wala ring idineklarang gastos para sa mga pulong, caucus, rally, at biyahe na isinagawa noong kampanya.

Iginiit ng alkalde na may kapangyarihan ang Comelec na suriin at tasahin ang aktuwal na halaga ng mga advertisement batay sa umiiral na presyo sa lugar at isama ito sa kabuuang campaign expenses.

Kung mapapatunayang lumampas sa itinakdang limitasyon ang paggastos, maaari umanong magkaroon ng pananagutang administratibo at kriminal si Discaya, kabilang ang perjury sa ilalim ng Article 183 ng Revised Penal Code dahil sa umano’y maling pahayag sa dokumentong isinumite sa ilalim ng panunumpa.

Nauna nang naghain si Sotto ng hiwalay na reklamo laban kay Discaya kaugnay ng umano’y maling deklarasyon sa kanyang Certificate of Candidacy (CoC), partikular sa usapin ng kanyang citizenship.

Sa huli, sinabi ni Sotto na hindi lamang ito personal na isyu kundi usapin ng pagsunod sa batas.

“Hindi lang ito tungkol sa isang kandidato. Mensahe ito na sa Pasig, dapat sumunod sa batas,” aniya.

Dagdag pa niya, paalala rin ito sa mga tatakbo sa darating na barangay elections at sa susunod pang halalan—na ang sinumang lalabag ay haharap sa kaukulang aksyon.