P4-B inilaan sa pasilidad ng SUCs sa pagpapalawak ng enrollment – Gatchalian
Ni Ernie Reyes
Inihayag ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian na naglaan ang Kongreso ng halagang P4b bilyon upang pondohan ang pagpapalawak ng pasilidad ng lahat ng state universities and colleges (SUCs) tulad ng silid-aralan na magbibigay ng mas maraming oportunidad sa kwalipikadong mag-aaral.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na layunin ng P4 bilyong inilaan sa 2026 pambansang budget para sa pagpapatayo at pagpapahusay ng mga pasilidad ng 114 SUCs sa bansa.
Ayon sa chairperson ng Senate Committee on Finance, makatutulong ang nasabing pondo upang mapalawak ng mga SUC ang kanilang kapasidad sa pagtanggap ng mas maraming mga estudyante.

“Sanhi ng limitadong kapasidad, napipilitan ang mga SUC na tanggihan ang mga kwalipikadong aplikante kahit na natutugunan nila ang mga requirement sa pagpasok,” ayon sa senador.
Batay sa pagsusuri ng tanggapan ng senador na sanhi ng kakulangan sa kapasidad, 168,493 estudyante ang hindi natanggap kahit kwalipikado para makapag-enrol.
Ipinakita rin ng datos na isinumite ng 62 SUC na 32 ang lumampas na sa kanilang kapasidad, at labing-isa sa mga SUC na ito ang umabot na sa 100% occupancy.
“Bagama’t may libreng kolehiyo na tayo, napakarami pa ring kabataan ang hindi nakakapasok dahil kapos ang pasilidad at kapasidad ng ating mga SUC,” ayon kay Gatchalian.
Tiyakin nating lahat ng mga mag-aaral ay mabibigyan ng pagkakataong makapagpatuloy ng kanilang edukasyon,” ani Gatchalian.
“Kaya naman, sa ilalim ng makasaysayang pondong inilaan natin para sa sektor ng edukasyon, tiniyak nating bawat SUC ay may pondo para palawakin ang kanilang kakayahang tumanggap ng mas marami pang mga mag-aaral,” dagdag niya.
