Senado kinatigan ng Pasay RTC vs petisyon ni Discaya

Ni Ernie Reyes

Ibinasura ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 297 ang Petition for Certiorari na inihain ng kontratista at kasalukuyang nakadetineng si Pacifico F. Discaya na naglalayong ipawalang-bisa ang kautusan ng contempt sa flood control probe.

Sa ipinalabas na desisyon ng korte, pinagtibay ang kapangyarihan ng Senado na nakatakda sa Saligang Batas na maaaring magpataw ng contempt citation sa sinumang indibiduwal na nagsisinungaling sa imbestigasyon.

Nakatakda sa desisyon nitong ika-23 Pebrero 2026, malinaw na sinabi ng hukuman na nabigo si Discaya na patunayan ang anumang grave abuse of discretion sa panig ng Senado. 

Pinagtibay rin ng korte na ganap na iginalang ang kanyang karapatan sa due process bago ipataw ang contempt order.

Sinabi ni Judge Ronald August Tan sa kanyang desisyon na sa proceedings ng Blue Ribbon Committee, nang tanungin si Discaya kung bakit hindi nakadalo ang kanyang asawa na si Sara Discaya, hawak na niya at binasa ang written explanation ng kanyang asawa.

Ganunpaman, sa sulat ni Sara Discaya, ang dahilan ng kanyang hindi pagdalo ay sa scheduled employee meeting, taliwas sa sinabi ni Pacfico na mayroon siyang medical condition.

Nagbigay ito ng mga karagdagang katanungan sa korte tungkol sa hindi malinaw na mga pahayag ng mag-asawang Discaya.

Ayon sa desisyon, ang Chairperson ng Blue Ribbon Committee na si Senador Panfilo Lacson ay “explicitly mindful of due process” at inatasan pa ang petitioner na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat ma-cite sa contempt.

Kabilang sa mga respondent na pinangalanan sa petisyon ang Senado ng Pilipinas, ang Blue Ribbon Committee, ang Chairperson nitong si Senador Panfilo Lacson, si Senate President Vicente C. Sotto III, at ang Senate Sergeant-at-Arms.

Muling pinagtitibay ng Senado ang matatag nitong paninindigan sa pagtataguyod ng rule of law at paggalang sa judicial review bilang mahalagang mekanismo sa pagpapanatili ng konstitusyonal na balanse sa pagitan ng tatlong sangay ng pamahalaan.