IMPEACHMENT VS VP SARA, AARANGKADA NA SA LUNES
Ni Nelle de San Jose
Aarangkada na sa lunes ang mainit na pagtalakay ng House Committee on Justice sa apat na verified impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito’y matapos i-refer ng House plenary sa komite ang mga reklamo at nagtakda ng tatlong araw na deliberasyon mula March 2 hanggang March 4.
Ayon kay House Justice panel chair Gerville Luistro, tutukuyin muna ng komite kung pasado ba ang mga reklamo sa kanilang pamantayan.

“The four impeachment complaints against the Vice President have been referred, we are considering to start the deliberation of the justice Committee on March 2, March 3, and March 4 (Monday-Wednesday) at least for the purpose of determining sufficiency in form and substance,” pahayag ni Luistro.
Dagdag naman ng mambabatas na mayroong limang hakbang ang daraanan ng proseso.
Kapag nagkaroon ng kakulangan sa basehan ang naturang reklamo, posibleng ibasura ito.
Sa kabilang banda, kung mapatunayan naman na sapat ang nilalaman ng mga reklamo, bibigyan ang bise presidente ng 10 araw para sagutin ang mga alegasyon inireklamo laban sa kanya.
Matapos siyang sumagot, may tatlong araw na lang siyang palugit para magbigay ng dagdag na paliwanag bago magdesisyon ang komite kung itutuloy ang kaso, at kapag nakitang may sapat na batayan, agad itong iboboto ng mga kongresista.
Samantala, kapag umabot sa 1/3 boto, tuloy na ang laban sa Senado para sa impeachment trial.
