‘CROSS-BORDER COORDINATION’ vs ILLEGAL TRADE, PINAPAIGTING ni Gatchalian sa BI

Ni Ernie Reyes

Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Bureau of Immigration (BI) na paigtingin ang koordinasyon at pakikipagtulungan sa ibang bansa upang matunton at madakip ang mga kriminal na gumagamit ng ‘backdoor exit’ sa Pilipinas kabilang ang mga nagpupuslit ng mga iligal na sigarilyo at vape.

Ayon kay Gatchalian, dumarami ang naiuulat na mga iligal na sigarilyong naipupuslit sa bansa o smuggled na sigarilyo. Kamakailan lang ay naghain ang senador ng resolusyon upang imbestigahan ang lumalalang problemang ito. 

“Sa naging karanasan natin kay Guo Hua Ping o Alice Guo, napakahalaga ng koordinasyon sa international community. Ang mga immigration office sa ibang bansa ay mahalagang pinagmumulan ng impormasyon,” ani Gatchalian sa isang pagdinig sa Senado.

Si Alice Guo, isang Chinese national at dating mayor sa Tarlac, ay hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa human trafficking kaugnay ng operasyon ng POGO. Matapos tumakas, siya ay naaresto ng Interpol at naibalik sa Pilipinas sa tulong ng mga awtoridad sa Indonesia.

Sinabi rin ni Gatchalian na sina Atty. Harry Roque, dating Congressman Arnulfo Teves, at Atong Ang ay pinaniniwalaang pumuslit palabas ng Pilipinas sa pamamagitan ng ‘backdoor exit.’

“Ang mundo ngayon ay literal na borderless. Ang sinumang high-profile personality na may pera ay pwedeng magbayad para lang makalusot sa backdoor. Kaya ang isang paraan na magagawa natin ay paigtingin ang ating koordinasyon at pagbabahagi ng impormasyon sa ibang bansa,” dagdag niya.