MALE-MALETANG CASH DELIVERY NG EX-MILITAR, DI LANG MAY POLITICAL COLOR, MAY DESTABILIZATION ASPECT PA – Lacson
Ni Ernie Reyes
Sinimulan ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson ang pagsusuri sa isang cash delivery scheme na kinasasangkutan ng ilang dating militar na naghatid ng male-maletang salapi sa matataas na opisyal ng gobyerno sa utos ng dating kongresista na si Elizaldy Co.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson, chairman ng Blue Ribbon Committee na nakapagsagawa ang lupon ng paunang beripikasyon bago pa man pormal na ihain ang isang resolusyon sa Senado na mag-uutos sa Senate Blue Ribbon Committee na imbestigahan ang usapin.
Aniya, may dalawang mahalagang punto na kailangang masusing suriin.

“We will evaluate first the source of information, which in this case are the 18 alleged Marine personnel who appeared at a press conference last Tuesday. Second is the reliability or credibility of the information itself, meaning the content of their affidavit,” ani Lacson.
Nitong Miyerkules, naghain si Sen. Ma. Imelda Josefa Remedios “Imee” Marcos ng Senate Resolution 317 na humihiling ng isang imbestigasyon in aid of legislation kaugnay ng money delivery scheme na kinasasangkutan ng ilang dating militar.
Inirefer ang resolusyon sa Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Lacson.
Binanggit sa resolusyon ang press conference noong Pebrero 24 kung saan 18 dating Marines ang nagsabing naghatid sila ng bilyun-bilyong pisong cash sa mga bahay ng ilang opisyal, kabilang sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Speaker Martin Romualdez.
Si Atty. Levito Baligod, na nagharap sa mga dating Marines, ay naghayag din na sina Co at dating Senador Antonio Trillanes IV ang nagpondo sa hotel accommodations at iba pang gastusin ng mga imbestigador mula sa International Criminal Court (ICC) habang nasa Pilipinas ang mga ito.
Sinabi ni Lacson na sumulat na siya sa Philippine Navy at Philippine Army upang magsagawa ng record check at background investigation sa 18 dating Marines, kasunod ng mga paunang ulat na ilan sa kanila ay dishonorably discharged at ang iba ay hindi naman naging miyembro ng Philippine Navy.
Kinuwestiyon din niya ang sinasabing P805 bilyong halaga na naihatid nang cash na katumbas ng mahigit 70 porsiyento ng P1.13 trilyong inilaan para sa flood control projects mula 2023 hanggang 2025.
Aniya, ang natitirang P325 bilyon mula sa kabuuang P1.13 trilyong pondo para sa flood control ay tila hindi maipagkakasundo sa mga kickback na inamin nang naipadaloy at natanggap ng mga personalidad tulad nina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) regional director Roberto Bernardo at district engineer Henry Alcantara — lalo na kung isasaalang-alang pa ang aktuwal na gastos sa pagpapatupad ng mga flood control project sa loob ng tatlong taon.
“The numbers just don’t add up,” diin ni Lacson.
Tinukoy rin ni Lacson ang malaking hamon ng pagbiyahe ng ganoong kalaking halaga ng pera. Aniya, aabutin ng hindi bababa sa 13,416 malalaking maleta na may kapasidad na P50 milyon hanggang P70 milyon bawat isa upang maipaloob ang P805 bilyon.
“It’s mind-boggling. When we talk about large suitcases containing P50 to P70 million each, and we consider P805 billion, at least 13,400 large suitcases would be required — not counting smaller ones,” aniya.
Kinuwestiyon din ni Lacson ang timing ng press conference ng mga umano’y dating Marines — ginanap ito bisperas ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution kung kailan may mga nakatakdang kilos-protesta laban sa katiwalian, at kasabay ng confirmation of charges hearings ng ICC kaugnay ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Napansin din niya na ginanap ang press conference sa Club Filipino, isang kilalang lugar na naging mahalagang bahagi ng mga pangyayaring humantong sa EDSA-1 noong 1986.
“Ang pino-project doon, napaka-corrupt ng ICC. Nilagyan ng $2M allegedly through former Sen. Trillanes,” ani Lacson.
“Sa akin, mukhang hindi lang may political color, kundi may destabilization aspect pa,” dagdag niya.
