Speaker Bojie Dy, Isinusulong ang Pagbuwag sa Regional Wage Boards at Pagtatatag ng Isang National Minimum Wage
Ni Darwell Baldos
Ipinanukala ni Speaker Bojie Dy III na buwagin ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards at palitan ng isang sentralisadong sistema kung saan iisang minimum wage ang ipapatupad sa buong bansa. Sa ilalim ng panukalang ito, inatasan niya ang Komite sa Paggawa at Empleyo na pagsama-samahin ang mga panukalang batas na may kinalaman sa pagtatatag ng national minimum wage.
Sa isang pulong na idinaos noong ika-24 ng Pebrero kasama ang mga pangunahing grupo ng manggagawa tulad ng Federation of Free Workers at iba pang pambansang unyon, ipinahayag ni Speaker Bojie ang kanyang matatag na suporta sa panawagan para sa mas mataas na sahod. “I fought for higher wages during my time as Governor of Isabela,” ani Dy sa mga dumalong lider-manggagawa. “We owe our workers a fair and unified wage system, and the House will act on this.” Binigyang-diin niya na ang Kamara de Representantes ay may mahalagang responsibilidad na kumilos upang matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa para sa isang patas at pinag-isang sistema ng sahod.

Kasunod ng nasabing pagpupulong, agad na nagutos ng direktiba si Speaker Dy sa House Committee on Labor and Employment na simulan ang pagbabalangkas ng mga panukala. Ipinangako niya sa mga kinatawan ng labor sector na tatapusin ng Kamara ang pagsasabatas ng mga panukalang ito bago ang Araw ng Paggawa sa ika-1 ng Mayo, bilang pagkilala sa kontribusyon ng mga manggagawa sa ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng iminungkahing sistema, ang National Wages and Productivity Commission (NWPC) lamang ang magkakaroon ng awtoridad na magtakda ng minimum wage sa buong kapuluan. Ito ay epektibong mag-aalis sa kapangyarihan ng kasalukuyang regional wage boards na magtakda ng magkakaibang halaga ng sahod depende sa rehiyon, at sa halip ay magtatatag ng iisang pamantayan para sa lahat ng manggagawa sa bansa.
