VIGILANTE KILLINGS, PATULOY SA MARCOS ADMIN – KAUFMAN; MALACAÑANG, BUMWELTA

Ni Nelle de San Jose

Patuloy umano ang vigilante killings sa bansa kahit wala na sa puwesto si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay legal counsel Kaufman.

Kinwestiyon ni Kaufman ang International Criminal Court (ICC) kung plano rin nilang imbestigahan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at iginiit na hindi tumigil ang mga pagpatay sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan.

“There is no reason to believe that Duterte’s disappearance from the political scene would have frustrated the ongoing incidents of murder at the hands of state agents or vigilantes,” giit ni Kauffman.

“Clearly I’m forced to ask myself whether anyone on the other side of this room has thought of investigating the Marcos regime and the related phenomenon and holding someone accountable,” dagdag pa niya.

Batay sa datos na inilabas, nakapagtala umano ng 160 sa 342 na pagpatay sa unang taon ng administrasyong Marcos.

Sa loob ng 2023-2024 ay tumaas umano sa 362 ang bilang ng mga kaso ng pagpatay, at 34% nito ay iniugnay sa state agents.

Kinuwestyon din ni Kaufman kung bakit hindi nananawagan ng pananagutan ang ICC prosecutors para sa mga pagpatay sa kasalukuyang administrasyon.

Sa kabilang banda, bumwelta naman ang Malacañang ukol sa pahayag ng kampo ni Duterte at sinabing hindi legasiya ng kasalukuyang administrasyon ang madugong kampanya kontra droga, partikular ang extra judicial killings.

“Even before, ang sabi ng pangulo ay walang dugong dadanak. Hindi po niya ginugusto ang Extra Judicial Killings (EJK),” giit ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro.

Aniya, ang pagsugpo sa droga ay may tamang paraan at laging pinapanatili ni PBBM ang due process— kailangang marinig din ang mga taong inaakusahan.

Dagdag pa ni Castro na hindi kailangan ipapatay agad nang hindi sila nadidinig dahil wala aniya sa konstitusyon ng Pilipinas ang death penalty.