KAMPANYA KONTRA ILLEGAL ONLINE LENDING APP, PINAIGTING NG CICC

Ni Iza Aldana

Pinaigting ngayon ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC ang kampanya laban sa mga illegal online lending application sa bansa.

Ito ay kasunod ng patuloy na pagdami ng mga nabibiktima ng mapanlinlang na pautang online.

Ayon kay CICC Executive Director na si Renato Paraiso, mula Enero a-uno hanggang Pebrero a-bente singko ngayong taon, umabot na sa 599 ang natanggap nilang reklamo kaugnay sa illegal lending apps.

Sa naturang bilang, 278 ang may kaugnayan sa online debt harassment; 118 ang loan scam; 92 ang mapanlinlang na lending practices; at 100 naman ang reklamo hinggil sa paniningil ng advance fee.

Dahil dito, mas pinaigting pa ng CICC ang kanilang imbestigasyon upang matukoy kung sinu-sino ang nasa likod ng operasyon ng mga illegal lending app sa bansa.

Nauna nang nagbabala ang ahensya sa publiko na maging mapanuri at kilalanin ang mga red flags ng ilegal na online lending apps.

Kabilang dito ang agresibong advertisement, mga pangakong “too good to be true,” pagtatago ng tunay na fees at interes, at ang matinding time pressure o pagmamadali sa mga mangungutang na magbayad.

Tinukoy rin ng CICC ang ilan sa mga application na may pinakamaraming reklamo, kabilang ang Credipillar, RLoan Pro, peso.ph, at PesoKwento.

Patuloy naman ang panawagan ng ahensya sa publiko na agad i-report sa kinauukulan ang anumang kahina-hinalang online lending activity upang maiwasan ang mas marami pang mabiktima.

Sa panahon ngayon na mabilis ang transaksyon online, paalala ng CICC: maging mapanuri, huwag magpadala sa matatamis na pangako, at tiyaking lehitimo ang anumang pinansyal na aplikasyong gagamitin.