PANUKALA KONTRA AWAY-KALSADA, INIHAIN SA KAMARA

Ni Nelle de San Jose

Isinusulong sa Kamara ang House Bill (HB) 8190 o ang proposed Anti Road Rage Act na magdedeklara sa road rage bilang isang krimen at magpapataw ng mas mabigat na parusa laban sa agresibong drivers.

Inihain ni House Majority Leader Sandro Marcos ang panukala upang parusahan ang mga driver na may layuning manakot, magbanta o manakit na nagdudulot ng panganib.

Ayon kay Marcos, hindi lang ang mga nag-aaway sa kalsada ang naaapektuhan kundi pati na rin ang mga inosenteng komyuter.

“We cannot allow road rages to continue on our roads, because one reckless decision can turn into a lifelong tragedy for an innocent family,” giit ni Marcos.

“The goal is accountability that is both punitive and corrective, especially in a climate where viral road rage videos often normalize intimidation and escalate copycat behavior.”

Kaugnay nito, kung walang nasaktan ay maaaring mabilanggo nang hanggang isang taon o pagmultahin ng PHP100,000.

Samantala, kung may nasaktan, nasirang ari-arian o namatay naman ay aabot hanggang apat na taon na bilanggo o PHP200,000 ang multa.

Agad naman na isususpinde ang lisensya ng akusado habang iniimbestigahan at kapag napatunayang may sala, tuluyan na siyang didiskwalipikahin sa pagkuha ng driver’s license.