Senate probe ikinasa ni Bam vs  ‘SENATE ATTACK’

0

Ni Ernie Reyes

NAGHAIN si Senador Bam Aquino ng isang resolusyon na humihiling imbestigahan ang  insidente ng pamamaril sa loob ng Senado noong Miyerkules, na lumikha ng matinding pangamba sa seguridad, integridad ng institusyon, kaligtasan ng mga empleyado, stakeholders, at bisita, gayundin ng maayos na koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno.

Sa ilalim ng Senate Resolution No. 397, hinihikayat ni Aquino ang mga kaukulang komite ng Senado na magsagawa ng imbestigasyon, in aid of legislation, hinggil sa mga pangyayari   sa pamamaril sa loob ng Senado kahit mayroon pang armadong awtoridad sa loob.

Binigyang-diin niya na bilang isang pangunahing demokratikong institusyon, dapat mapanatili ng Senado ang integridad, maayos na paggana, at konstitusyonal na kasarinlan nito sa lahat ng oras.


“Walang lugar ang pagpapaputok ng baril o anumang armadong komprontasyon sa loob ng Senado,” wika ni Aquino.

“Ang mga ganitong insidente ay nakasisira sa tiwala ng publiko at sa integridad ng ating institusyon, nagsisilbing banta sa kaligtasan at kapakanan ng mga empleyado, bisita at mga miyembro ng media, at nakakaapekto sa katatagan ng ating demokrasya,” dugtong pa niya.

Ayon kay Aquino, kinakailangan ang masusing imbestigasyon upang makabuo ng malinaw at mapagkakatiwalaang ulat matapos ang magkakasalungat na pahayag mula sa mga opisyal at ahensya ng gobyerno kaugnay ng pagkakakilanlan, awtoridad, at mga kilos ng mga armadong indibidwal na sangkot sa insidente.

Dagdag pa niya, inilantad ng insidente ang posibleng kakulangan sa umiiral na mga batas, security protocols, at mga mekanismo ukol sa koordinasyon na  sumasaklaw sa deployment ng mga armadong tauhan sa loob ng mga institusyon ng gobyerno.

“It is imperative for the Senate to review and strengthen institutional safeguards to prevent the recurrence of similar incidents and ensure the continued protection of democratic institutions,” giit niya.

Binigyang-diin ng resolusyon na mahalagang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa loob ng Senado upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagtupad sa mga tungkulin nito.

Sa isang Facebook post, nagpahayag ng pangamba si Aquino ukol sa insidente, sa pagsasabing walang puwang ang karahasan sa Senado at sa isang demokrasya.

“Lubhang nakababahala ang nangyayari sa Senado ngayong gabi. Sa gitna ng mga kaguluhan sa pulitika, nabalot ng dahas ang minamahal nating institusyon. Kahit anupaman ang nangyayaring alitan sa ating bansa, walang puwang ang karahasan sa ating demokrasya,” ani Aquino.

“Nananawagan tayo sa lahat ng kinauukulan na unahin ang kaligtasan ng mga sibilyan, media at mga kawani ng gobyerno at higit sa lahat, sumunod sa batas,” dagdag pa niya. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *