GINHAWA Bill, maghahawan vs pagtaas ng buwis sa maliliit na negosyo – Solon
Ni Ernie Reyes
ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian na mapagaan ang pasanin sa buwis ng mga micro businesses o ‘yung pinakamaliliit na negosyo sa pamamagitan ng panukalang GINHAWA.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na kailangan ang naturang panukala sa gitna ng patuloy na kawalan ng katiyakan sa ekonomiya dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan at mataas na presyo ng langis.

“Kapag pinagaan natin ang buwis ng maliliit na negosyo, mas mapapalago nila ang kanilang kabuhayan at masisiguro ang tuloy-tuloy nilang kita at trabaho para sa kanilang mga empleyado,” ani Gatchalian, vice chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.
Ang panukalang GINHAWA, o ang Granting Increase in Take-Home Pay for All Working Filipinos Act, ay nagpapahintulot ng karagdagang deductible expense na katumbas ng 50% ng labor expenses na kinakaharap ng mga micro entrepreneur.
Kabilang dito ang mga sari-sari store, carinderia, laundry services, tailoring shop, food stall, maliliit na e-commerce businesses, at iba pa.
Binigyang-diin niya na ang pagpapababa ng buwis ay maghihikayat din sa mga tinaguriang informal businesses na magparehistro. Magbubukas ito ng mga pagkakataon para sa mga bank loans at magpapalawak ng negosyo na makakatulong sa ekonomiya ng bansa.
Alinsunod sa Republic Act No. 11976 o ang Ease of Paying Taxes (EOPT) Act, ang mga tinuturing na micro taxpayers ay ‘yung may kabuuang gross sales na mas mababa sa P3 milyon sa loob ng isang taon.
