Bam, Nagsumite ng progress report bilang chair ng basic education committee 

0

Ni Ernie Reyes

NAGLABAS si Senador Bam Aquino ng progress report kaugnay ng kanyang 10 buwang panunungkulan bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education, kung saan itinampok niya ang mga programa at repormang pinakikinabangan ng mga estudyante at guro at tumutulong tugunan ang krisis sa edukasyon sa bansa.

Nawala kay Aquino ang kanyang pagiging chairperson ng komite matapos ang pagbabago sa liderato ng Senado na naglipat sa kanya sa minorya.

“Sa loob ng 10 buwan, ginawa po natin ang ating mandato, tinupad ang mga pangako, at nagtrabaho para sa inyo. Sinulit po natin ang bawat araw na binigay sa akin upang maipasa ang mga kailangang repormang tumutugon sa ating education crisis,” wika ni Aquino sa isang Facebook video.

Sa simula ng kanyang pamumuno bilang chairperson, inilatag ni Aquino ang isang komprehensibong pitong-puntong agenda na naglalayong iangat ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas, kabilang ang agarang pagtugon sa mga isyu tulad ng nutrisyon, kakulangan sa silid-aralan, mga aklat, konektibidad, suporta sa mga guro, learning gap, at employability.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, naitatag ang balangkas ng 10-taong National Education and Workforce Development Plan (NatPlan) 2026–2035 upang makatulong sa pagtugon sa mga problemang kinakaharap ng sistema ng edukasyon sa bansa.

Kabilang dito ang learning gaps at patuloy na pagbaba ng proficiency na ipinakita ng Comprehensive Rapid Literacy Assessment (CRLA), na natuklasang 48.76 porsyento ng mga mag-aaral ay hindi nakakabasa ayon sa grade level pagsapit ng Grade 3 noong school year 2024-25, habang bumaba naman ang proficiency rates mula 30.5 porsyento sa Grade 3 hanggang 0.40 porsyento na lamang pagsapit ng Grade 12.

Layunin din ng NatPlan 2026-2035 na tugunan ang stunting sa mga batang mag-aaral, na nakaaapekto sa 23.6 porsyento ng mga bata at nagdudulot ng hindi na maibabalik na neurological damage bago pa man sila makapasok sa paaralan, pati na rin ang kakulangan na 166,000 silid-aralan sa bansa.

Binanggit din ni Aquino ang mga nagawa sa kanyang panunungkulan bilang pinuno ng Committee on Basic Education, kabilang ang pagtiyak sa makasaysayang P1.34-trilyong pondo para sa edukasyon sa ilalim ng 2026 national budget — ang pinakamalaking education budget sa kasaysayan ng bansa.

Kabilang sa naturang halaga ang P67.9 bilyon para sa pagtatayo ng 25,000 silid-aralan upang makatulong na matugunan ang kakulangan na 166,000 classrooms sa bansa, gayundin ang P37 bilyon para sa implementasyon ng Free College Law (RA 10931), kabilang ang dagdag na pondo para sa Tertiary Education Subsidy (TES), na nagbibigay ng allowance sa mga kapus-palad na estudyante.

Naglaan din ang 2026 education budget ng P25.7 bilyon para sa pinalawak na School-Based Feeding Program.

“Ipinakita po natin na kapag sineryoso, may sense of urgency, at kapag sinasantabi ang mga away pulitika, masosolusyonan ang krisis sa education,” diin niya.

Gayunman, sinabi ni Aquino na marami pa ring kailangang gawin tulad ng mga reporma sa K to 12, school-to-employment program, at School Safety Act, bukod sa iba pa.

“Ang pangako ko po, kahit hindi na tayo Chairman ng Committee on Education, tuloy pa rin ang trabaho at tuloy pa rin ang pag-alaga sa kinabukasan ng ating susunod na henerasyon. Dahil ang laban para sa edukasyon hindi natatapos sa isang posisyon lang,” aniya.

Sa hiwalay na Facebook post, inanunsyo rin ni Aquino na hinihintay na lamang ang lagda ng Pangulo para sa panukalang Establishing Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) and Last Mile Schools Act at Curriculum Flexibility Act na kanyang isinulong.

Pinangunahan din niya ang pagpasa sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Class-Building Acceleration Program Act at Basic Education Voucher Program Act, at nakatakda rin niyang i-sponsor ang National Nutrition Program Act.

Sa kabuuan, naghain si Aquino ng 12 education-related bills, may-akda at co-author ng 22 panukalang batas, at sponsor at co-sponsor ng siyam na hakbangin. Nagsagawa rin siya ng maraming pagpupulong, pagdinig, sesyon, at mga aktibidad bilang EDCOM II co-chairperson. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *