CYBER ATTACK IKINABAHALA NG MGA PILIPINO
Nababahala ang ilang mga Pilipino sa nangyaring cyber attack sa ilang tanggapan ng gobyerno at ilang business establishments sa bansa kamakailan.
Batay sa ating isinagawang pagsusuri bago umano inatake ng Russia ang bansang Ukraine ay nagkaroon muna ng cyber attack sa huli.
Sinasabi na ang cyber attack sa Ukraine ay nagmula sa Russia bago ang kanilang pag-atake sa nabanggit na bansa.
Kamakailan may mga inarestong Pinoy na may kagagawan ng cyber attack sa ilang tanggapan ng gobyerno.
May mga ulat din na pati mga pribadong kumpanya ay nakaranas ng cyber attack sa files ng kanilang mga empleyado.
Pinangangambahan din ng mga Pinoy ang mga natagpuang uniporme ng Peoples Liberation Army (PLA) sa sinalakay ng mga awtoridad na POGO sa Porac, Pampanga kamakailan.
Nauna rito, bago pa ang isinagawang pagsalakay sa POGO sa Pampanga at Bamban, Tarlac ay lalo namang nagiging marahas ang mga tauhan ng China Coast Guard (CCG) sa mga sibilyang Pinoy at Philippine Navy sa West Philippine Sea (Ayungin Shoal).
Sa insidenteng nangyayari sa Ayungin Shoal na pinagduduro ng mga kagawad ng CCG habang may hawak ang mga ito na patalim, palakol at pinagbubutas pa ang ilang rubber boat ng Philippine Navy na ikinaputol ng hinlalaki ng isang sundalong Pinoy ay iginigiit ng China na ipinatupad lamang nila ang nararapat. Ganun?!
Dati-rati ang hinaharass lamang ng mga kagawad ng CCG ay ordinaryong mga sibilyang Pinoy lamang, ngayon pati na ang mga miyembro ng ating militar ay nakararanas na rin ng panggipit at pambu-bully mula sa kanila.
Iginigiit kasi ng China na ang Ayungin Shoal (West Phil. Sea) na kinaroroonan ng barkong sumadsad ng Pilipinas (M/V Sierra Madre) na may naka-istasyong mga sundalong Pinoy ay pag-aari nila kaya hinaharang nila ang mga manghahatid ng suplay sa ating mga sundalo dun.
Ayaw umano ng bansang China na pagtayuan ng gusali ng Pilipinas ang kinalalagyan ng M/V Sierra Madre marahil sila ang may gustong maglagay ng kanilang base militar sa lugar katulad ng kanilang ginawang artificial islands sa iba pang karagatan na pag-aari ng mga Pinoy.
Kung hindi makagagawa ng matalinong solusyon ang gobyerno ng Pilipinas sa ginagawa ng CCG sa West Philippine Sea malamang at sa malamang ay baka humantong ito sa kanilang pananakop sa ating bansa.
Magkaisa tayo sa iisang layunin, iwasan muna ang bangayan ng mga politiko.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon mag-email joel2amongo@yahoo.com o magtext sa cel# 0916-528-8796.