BJMP Ipinagdiwang ang 34th Anniversary, Nagtala ng Malaking Pag-unlad sa Decongestion at PDL Welfare

Ipinagdiwang ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang ika-34 anibersaryo nito ngayong taon, na nagpakita ng makabuluhang pag-unlad sa pagbabawas ng overcrowding sa mga kulungan, pagpapahusay ng kalagayan ng Persons Deprived of Liberty (PDL), at modernisasyon ng mga pasilidad.

Ayon sa BJMP, bumaba ang pambansang congestion rate mula 358% noong 2023 patungo sa 296% sa kasalukuyang taon. Ang tagumpay na ito ay resulta ng mas pinalakas na paralegal assistance at pagpapatayo ng mga bagong detention facilities.

Sa nakalipas na dalawang taon, siyam (9) na bagong jail buildings ang naipatayo, samantalang anim (6) na perimeter fences at isang (1) functional area ang nakumpleto. Kasalukuyan ding ginagawa ang 19 na perimeter fences at 15 functional areas sa iba’t ibang rehiyon.

Mahigit 85,183 PDL ang nakalaya sa pamamagitan ng paralegal at legal aid services ng BJMP. Dagdag pa rito, wala nang overstaying PDL sa mga kulungan na pinamamahalaan ng ahensya, na nagpapakita ng mas maayos na sistema ng paglilitis at rehabilitasyon.

Patuloy rin ang kampanya ng BJMP laban sa ilegal na droga sa loob ng mga piitan. Sa ngayon, 230 drug-free jail certifications at 77 drug-cleared facilities na ang naitala. Pinatibay din ang seguridad upang maiwasan ang smuggling at karahasan sa loob ng mga kulungan.

Nakatanggap ang BJMP ng iba’t ibang parangal, kabilang ang Outstanding Accounting Office Award at pagkilala sa PDL Assessment and Classification System, na nagpapatunay sa epektibong pamamahala ng ahensya.

Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng mas malawakang adhikain ng BJMP para sa makatao at epektibong correctional system sa bansa.

(Buboi Patriarca)

#BJMP34thAnniversary #Decongestion #JusticeReform #PDLWelfare #DrugFreeJails