Rep. Harold Duterte – Nanawagang Palawigin ang Ayuda sa Mangingisda vs Mataas na Presyo ng Langis

Ni Darwell Baldos

Nanawagan si Pwersa ng Pilipinong Pandagat (PPP) Partylist Representative Harold Duterte sa pamahalaan na palawigin pa ang tulong pinansyal para sa sektor ng pangingisda, kasabay ng matinding epekto ng tumataas na presyo ng langis at bilihin dulot ng nagpapatuloy na sigalot sa Gitnang Silangan.

Bagama’t pinapurihan ni Duterte ang inisyatiba ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na mamahagi ng tig-P3,000 tulong sa 15,000 mangingisda, iginiit ng mambabatas na hindi sapat ito upang masalo ang pangangailangan ng buong sektor.

Binigyang-diin ni Duterte na sa tala ng gobyerno, mayroong humigit-kumulang 2.7 milyong rehistradong mangingisda sa buong bansa. Kung 15,000 lamang ang makakatanggap ng tulong, katumbas ito ng mas mababa sa isang porsyento ng sektor na kasalukuyang naghihirap dahil sa sobrang taas ng presyo ng krudo at pababang huli ng isda.

“Karamihan sa ating mga namamalakaya ay umaasa sa krudo o gasolina para makapaglayag at makapangisda. Kapag tumaas ang presyo ng langis, direktang naaapektuhan ang kanilang kabuhayan at kakayahang maglaan ng pagkain sa ating mesa,” paliwanag ni Duterte.

Binatikos din ng mambabatas ang pagiging “panandalian” lamang ng P3,000 one-time subsidy. Ayon sa kanya, habang pinapahalagahan nila ang hakbang ng BFAR, mahalagang pag-aralan ng pamahalaan ang pangmatagalang solusyon para sa mga mangingisda.

“We call on the concerned agencies to review the current program and explore ways to increase funding, widen the list of beneficiaries, and implement a more sustainable fuel subsidy mechanism for the fishing sector,” pahayag ni Duterte.

Umaasa ang sektor ng pangingisda na agarang aaksyunan ng pamahalaan ang panawagang ito upang hindi na lalo pang mahirapan ang milyun-milyong Pilipinong umaasa sa pangingisda bilang pangunahing pinagkukunan ng kita at pagkain.