80 GRAMO NG SHABU NASAMSAM SA BUY-BUST OPERATION NG PDEA SA DUMANGAS, ILOILO

NOONG Hulyo 20, 2025, isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 6, ang isang buy-bust operation sa Barangay Cali, Dumangas, Iloilo, na nauwi sa pagkaaresto ng isang sangkot sa ilegal na droga.

  Ang operasyon ay isinagawa batay sa impormasyong natanggap sa pamamagitan ng Isumbong Mo sa PDEA (IMSP) hotline.

  Ang nasabing operasyon ay pinangunahan ng PDEA RO6 Special Enforcement Team (RSET) kasama ang PDEA Iloilo Provincial Office, Philippine Coast Guard, at Dumangas Municipal Police Station.

  Narekober sa operasyon ang tinatayang 80 gramo ng shabu mula sa suspek na kinilala sa pangalang Lee, 18-taong gulang.

  Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

  Ang nasabing batas ay nagtatakda ng parusang habambuhay na pagkakakulong at multang umaabot sa sampung milyong piso para sa pagbebenta at pagmamay-ari ng ipinagbabawal na droga. (Tito Lucas)