Dalawang Suspek, Arestado sa kasong Theft at Trespassing sa Parañaque City

DALAWANG  indibidwal ang inaresto noong umaga ng Hulyo 20, 2025, dahil sa kasong theft at trespassing sa isang pribadong residensya sa kahabaan ng Ninoy Aquino Avenue, Barangay Sto. Niño, Parañaque City.

  Ang mga suspek, kinilalang sina alias “Rowel,” 25 taong gulang, at alias “Jasper,” 22 taong gulang, pawang walang trabaho at residente ng Sitio Libjo, Barangay Sto. Niño.

  Ang dalawa ay nahuli matapos makita na may dala-dalang isang kahina-hinalang puting sako sa loob ng nasabing property bandang 1:30 ng madaling araw.

  Habang nagsasagawa ng routine patrol ang mga security officer, napansin nila ang kakaibang kilos ng dalawa.

  Nang lapitan ang mga ito, biglang tumakbo ang mga suspek, ngunit mabilis silang nahabol at naaresto.

  Sa kanilang paghalughog, natagpuan ang 18 piraso ng water faucet na tinatayang nagkakahalaga ng Php135,000.00, dalawang regulator gauge na nagkakahalaga ng Php7,000.00, tatlong rolyo ng royal cord na nagkakahalaga ng Php5,000.00, at isang rolyo ng gray wire na nagkakahalaga ng Php1,000.00, na pawang ninakaw umano sa lugar.

  Dinala ang mga suspek ng mga security officer sa Barangay Sto. Niño at pagkatapos ay sa Sto. Niño Police Sub-Station para sa tamang dokumentasyon. Bandang 10:10 ng umaga ng parehong araw, ang reklamo laban sa kanila ay isinampa na sa Investigation and Detective Management Section (IDMS) para sa karagdagang aksyon.

  Bukod dito, ipinaabot ni PBGEN Randy Y. Arceo, Acting District Director ng Southern Police District, ang kanyang taos-pusong pagpupugay sa mga otoridad at security officers ng pribadong residensya na mabilis ang kilos at nagpakita ng kahusayan sa pag-aresto sa mga suspek.

  Aniya, ang kanilang pagiging alerto at pakikipagtulungan ay patunay sa kahalagahan ng malakas na ugnayan ng komunidad at awtoridad sa pagpigil sa krimen.

  “Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng ating kapulisan at mga pribadong security partners, ipinapakita natin ang ating dedikasyon sa pagprotekta sa komunidad, pag-iingat sa ari-arian, at pagsiguro na pananagutan ang mga gumagawa ng krimen. Binabati ko ang lahat ng kasangkot sa matagumpay na operasyong ito. Ang kanilang dedikasyon at propesyonalismo ay sumasalamin sa tunay na diwa ng serbisyo publiko na patuloy naming isinasabuhay sa Southern Police District,” dagdag niya.

(Jovan Casidsid)