P2-T pondo sa flood control projects, kinuwestiyon vs baha
Kinuwestyon ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson kamakailan kung bakit patuloy na namemerwisyo sa mga Pilipino ang baha sa kabila ng taunang pagtaas sa budget para sa flood management program ng pamahalaan.
Ani Lacson, bagama’t tinatayang P2 trilyon na ang ginastos ng Department of Public Works and Highways para sa flood management mula 2011 – o P350 milyon kada araw – tila hindi pa rin nawawala ang problema.
“Isn’t it absurd that the rise of floodwaters in our ‘malas’ country is directly proportional to the increase in the annual budget for the national government’s flood management program? For 15 years since 2011, the DPWH is supposed to have spent almost 2 trillion pesos, and yet…,” aniya sa post sa X.
“P2 trillion means an average daily expense of almost P350 million for the past 15 years. A midsize Cutter Suction Dredger costs anywhere from US$1.5 million to US$8 million. At US$5 million or P285 million with the current peso-dollar exchange rate, we can actually buy one dredging machine every day and use part of the excess of P65 million for operating expenses and maintenance,” dagdag niya.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, hindi bababa sa 25 ang naiulat na nasawi at walo ang nawawala dahil sa epekto ng bagyong Crising, Dante at Emong, at ng habagat.
Dagdag ng NDRRMC, hindi bababa sa 1.065 milyong pamilya o 3.85 milyong katao ang apektado ng habagat at ng mga bagyo.
Binuking ni Lacson noong Hulyo 11 ang hindi patas at baluktot na alokasyon para sa flood control project sa 2025 budget – kabilang ang maliit na barangay sa Oriental Mindoro na nakakuha ng P1.9 bilyon at maliit na bayan na nakakuha ng P10 bilyon.
Ani Lacson, gigisahin niya ang mga opisyal na may kinalaman sa mga flood control project na ito.
(Ernie Reyes para sa RoadNews)

