Suporta ng gobyerno sa MSMEs, sisimplehan ni Legarda
Nais gawing simple ni Senador Loren Legarda ang ibinibigay ng suporta ng pamahalaan ang Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) na itinuturing na gulugod ng pambansang ekonomiya sa pamamagitan ng isang panukalang batas.
Sa pahayag, sinabi ni Legarda, miyembro ng minorya ng Senado, na bilang pagpupugay sa pagdiriwang ng Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) Month ngayong Hulyo, inihain nito ang panukalang ‘Pangkabuhayan Act.”

Aniya, isang batas ito na naglalayong pasimplehin ang pag-access sa mga programang pinansyal at pangkabuhayan ng gobyerno gamit ang teknolohiya at inobasyon upang mahikayat ang mas maraming Pilipino na magtayo ng sariling negosyo at suportahan ang paglago MSME.
“Ang kinabukasan ng ating MSMEs ay nakasalalay sa ating kakayahang mag-innovate. Sa pamamagitan ng pagpapasimple at pagpapalakas ng mga sistemang sumusuporta at paggamit ng teknolohiya, mas marami tayong mabibigyan ng pagkakataong magsimula at magpatuloy ng negosyo, maisusulong natin ang isang efficient at kompetitibong ekonomiya, at mapalalago ang isang sustenable at inklusibong kaunlaran,” ani Legarda.
Layon ng panukalang ‘Pangkabuhayan Act’ na magtatag ng centralized assistance portal o Sustainable Livelihood and Entrepreneurial Development Centers (SLEDs) sa bawat bayan na magsisilbing one-stop hub para sa pagsasanay, pagpaparehistro ng negosyo, teknikal na suporta, at pag-access sa pinansyal na tulong at iba pang serbisyo para sa MSMEs, na bibigyang prayoridad ang mga pinakamahihirap na lugar.
“Kumpara sa malalaking negosyo, mas naaapektuhan ang ating MSMEs ng mga pagbabago sa ating ekonomiya, na nakaaapekto rin sa kanilang kakayahan na mag-empleyo at lumago.
Inaasahan kong sa pagpasa ng panukalang ‘Pangkabuhayan Act,’ magkakaroon tayo ng mga mekanismo para mabawasan ang red tape at mga balakid sa regulasyon para sa pagsisimula o pagpapalawak ng MSME ventures. Sa malakas nitong pagkaka-align sa mga layunin ng Philippine Innovation Act, matitiyak din na magkakaroon ng access ang MSMEs sa digital transformation,” dagdag pa ni Legarda.
“Sa panukalang ito, nais nating ang MSMEs ay hindi lang maging tagatanggap ng tulong, kundi maging katuwang din sa pagbibigay kapangyarihang pangkabuhayan, pag-usbong ng malikhaing industriya, at pagtataguyod ng global competitiveness,” pagtatapos ni Legarda.
Ang MSMEs ay bumubuo ng 99.5% ng mga negosyo sa bansa at nagbibigay ng trabaho sa mahigit 63% ng manggagawang Pilipino.
Si Legarda ang pangunahing sponsor at may-akda ng Magna Carta for MSMEs at pangunahing may-akda ng Philippine Innovation Act, na matagal nang binibigyang-diin ang mahalagang papel ng MSMEs sa paglikha ng trabaho at pagpapababa ng antas ng kahirapan sa buong bansa.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews
