LAND GRABBING SA BATANGAS, KASABWAT ANG AHENSYA NG GOBYERNO AT HUDIKATURA?

diretsahan

Sa isang bansang ipinagmamalaki ang hustisya at patas na batas, paano nangyari na ang mga maliliit na mamamayan, tulad ng pamilya Endozo sa Montana, Tanauan City, Batangas, ay nagiging biktima ng sistemang dapat sana’y kumakalinga sa kanila? Paano naging kasalanan nila na ang lupaing minana pa sa kanilang ama at ninuno, na si Juan Perez Endozo, ay biglang ninakaw sa pamamagitan ng mga hayagang sabwatan at teknikalidad ng batas?

Hindi lamang ito usapin ng lupa. Ito ay kwento ng panlilinlang, ng pagpapahirap sa mga inosente, at ng kawalanghiyaan ng mga makapangyarihan. Ang 8.5 ektaryang lupain, na dapat ay ligtas na pag-aari ng pamilya Endozo, ay ginagahasa ng Belle Corporation, isang kumpanyang may kaugnayan di-umano sa SM City Corporation. Gamit ang mga pekeng dokumento at dayaan sa korte, binaluktot nila ang batas hindi para magbigay ng katarungan, kundi para manlamang.

At sino ang nakinabang? Ang mga mayayaman at makapangyarihan, kasabwat ang ilang tiwaling empleyado ng gobyerno at hukuman sa Tanauan. Habang ang pamilya Endozo ay naghihirap, pinaglalaban ang karapatan nilang manaig sa lupang kanila, ang Belle Corporation ay naghahanda na yata para gawing negosyo ang lahat ng lupain sa Batangas.

Ang tanong ng Diretsahan: Ilan pa ba ang mga pamilyang tulad ng Endozo ang pinagsasamantalahan ng korporasyong ito? Ilan pa ang mga titulo ng lupa ang binabago sa likod ng mga legal na teknikalidad, habang ang mga tunay na may-ari ay pinipilit na sumuko sa takot at kahirapan?

Hindi ito simpleng kaso ng away-lupa. Ito ay malinaw na graft and corruption, isang sistematikong pagnanakaw sa ilalim ng balatkayo ng “legalidad.” Kung ang batas ay ginagamit para pagtakpan ang kasakiman, sino pa ang aasahan ng mga mahihirap?

Panahon na para magising ang taumbayan. Dapat managot ang mga sangkot at ipaglaban ang karapatan ng mga tulad ng pamilya Endozo. Sapagkat kung patuloy nating hahayaang manakaw ang lupa ng mga inosente, ang batas ay hindi na kailanman magiging para sa lahat, kundi para lamang sa mga may pera at kapangyarihan.